Walang Pamagat
December 9th, 2009 by andoyman
Ipapanganak ka’t matutuwa ang mga magulang mo sa iyo pagkalabas mo sa mundo. Papangalanan ka nila, bibigyan ng damit, ng lampin, ng kuna, at ng pagmamahal. Padededehin ka ng iyong ina, kakalungin ka ng iyong ama…at kung may mga kapatid kang nauna sa ‘yo, lalaruin ka nila ng mga “Kutsi-kutsi” at “Bulaga!”. Iiyak, tatawa, manonood, at matutulog lang ang gagawin mo habang ang mga magulang mo, mapupuyat kababantay sa ‘yo tuwing gabi para hindi ka kagatin ng lamok at mangangawit naman sa kakakarga sa ‘yo. At gagastos sila para sa handaan mo sa araw ng binyag mo.
Paglaki mo, papaluin ka, pagsasabihan ka at tuturuan ka kung ano ang tama at mali. Madadapa ka, masusugatan ka, at magagalusan ka kapag ika’y naglalaro. Matutuwa ka kapag binili ang itinuro mong laruan at nakakain ka ng matamis na pagkain. Iiyak ka kapag hindi nila binili ang mga gusto mo at pinilit isubo sa ‘yo ang mga gulay na ayaw mo.
Itatapon mo ang pagkain na ayaw mo. Sisirain mo ang laruang ayaw at pinagsawaan mo. Aawayin mo ang kalaro mong nang-aaway sa ‘yo. Iiyak ka kapag nabuburot sa laro. Aayusan ka ng mga magulang mo o ng mga kapatid mo sa ayos na hindi mo alam kung talaga bang bagay sa ‘yo o para ka lang pagtawanan. At matututo ka sa mga unang guro mo tungkol sa mga “basic” sa buhay.
Mangarap ka. Balewalain mo ‘yung mga sinasabi nilang “imposible” at “hindi mo kaya ‘yun”. Huwag mong pansinin ang mga taong hindi naniniwala sa ‘yo. Jumbagin mo sa mukha ang iba na tatawanan ka nang napakalakas. Sila kasi ang mga taong natatakot madapa ng maraming beses at walang tiwala sa sariling tumayong muli pagkatapos ng lahat ng iyon. Mangarap ka at tuparin mo ang pangarap mo.
Maninibago ka sa unang pagpasok mo sa eskwelahan. Noong una, gusto mong kasama ang nanay mo sa loob ng klasrum. ‘Pag malaki ka na, halos hindi na nila malalaman ang mga pinaggagawa mo. Noong una, iiyak ka kapag iiwanan kang mag-isa ng nanay mo. ‘Pag malaki ka na, mga magulang mo naman ang maiiyak sa mga kalokohang pinaggagawa mo.
Magkakasakit ka’t ikaw ay kanilang aalagaan. Magkakapilay ka’t dadalhin sa manghihilot. At masasaktan mo sila kapag sinigawan mo sila, sadya man o hindi, dahil ang alam mo, tama ka kahit hindi naman. Hihingi ka ng tawad, yayakapin, at hahalikan mo sila at sasabihan ng “Mahal na mahal po kita” o “I love you”. Gagawan mo sila ng cards tuwing kaarawan nila, o kapag Father’s o Mother’s day. At ipapasyal ka nila sa mga karnibal o di kaya’y manonood kayo ng sine. Tapos, bibilhan ka nila ng lobo at paliliparin mo lang ‘to sa langit.
Sa loob ng klasrum, ikaw ay mag-aaral, magrerebyu, mag-e-exam, papasa, babagsak, papasang-awa, mangongopya, mangongodigo, mahuhuli, makakalusot, pakakantahin, pasasayawin, at ililista ka sa pisara kung “Noisy” ka o “Standing” ka…minsan “NIPS” pa. Pagpapawisan ka’t magkakabulol-bulol sa pagsasalita kapag hindi mo alam ang sagot sa tanong ng guro mo…o ‘pag nasa harapan mo ang crush mo.
Magkakaroon ka ng maraming kaibigan o kaaway depende sa ‘yo at sa ugali mo. Pwede ring piliing mag-isa kung ayaw mong may kasama. Tutuksuhin ka kung may gusto ka sa isa sa iyong mga kaklase. Kakantyawan ka kung pangit o maitim ka. At ang mga taong tatanggap sa ‘yo? Depende ‘yan kung ilan ang talagang tanggap ka sa kung sino ka at hindi lang dahil sa tuwing araw ng exam. Bahala ka na rin kung paano mo patutunguhan ang mga taong ayaw sa ‘yo, mga taong maloko, mga taong plastik, at mga taong back-stabber.
Magpapa-cute ka, titigyawatin ka, pipiyuk-piyok ang boses mo, lolobo ang dibdib mo, mas tataba, mas papayat, tatangkad, at mag-a-astang malaki ka na at kaya mo na ang lahat ng bagay kahit hindi pa. Mang-aaway ka, mamamatok ka, palagi kang manghihingi, at palagi kang may lait sa ibang tao. Marami kang hirit, marami kang biro, at marami kang blanko sa test paper mo. Lalaki ang ulo mo dahil palagay mo, mas tama ka kesa sa iba. Malalaman mong hindi ka pala perpekto. Dapat ka ring magkamali para malaman ang tama.
Mabibigatan ka sa bigat ng bag mo. Maluluha-luha ka kapag wala pa ang sundo mo. At mawawalan ka ng kumpiyansa sa sarili kapag may nagpahiya sa ‘yo sa maraming tao. Hindi mo alam kung magpapasalamat ka o maiinis kapag sabon at tuwalya ang iniregalo sa ‘yo sa Christmas Party ninyo. Manonood ka’t makakatulog sa mga programa niyo sa iskul pati habang nagkaklase pero mahihirapan kang makatulog sa gabi kaiisip sa crush mo. Maiinis ka sa mga titser na mainit ang dugo sa ‘yo. Mababad-trip ka sa Math at Science pati sa History at English. Gudtaym naman kapag recess at uwian. Sasaya ka kapag intrams ninyo. Makakasayaw mo rin ang taong crush mo sa JS Prom niyo. At palagi kang manghihingi ng papel tuwing may exam.
Sa college, lalaki ng konti ang utak mo, lalawak ang kaalaman mo, at mas marami kang makikilalang iba’t ibang klase ng tao. Maraming maloko, maraming weird, maraming geek, maraming “urban legend” na sa kolehiyo, maraming magaganda, maraming gwapo, at maraming pinoproblema ang tigyawat na dala pa mula noong hayskul.
Out ka kung hindi ka sosyal, kung jologs ka, at kung korni ka. Kung gusto mong mabuhay sa college, hindi sapat ang pagkakaroon ng 200 na I.Q. Kailangan alam mo kung paano makibagay, magpakapal ng mukha, maging sipsip, maging madiskarte, maging matiyaga, at maging masipag. Dapat sigurado ka rin sa papasukin mong kurso dahil hindi lang pinupulot ng mga magulang mo ang tuition fee na kini-kickback mo at ipinambabayad sa iskul mo. Hindi palaging isinusubo sa ‘yo ang mga nasa syllabus at hand-outs. Dapat sinusubuan mo rin ang sarili mo. Sige lang at magka-bf o magka-gf ka pero huwag magpapabuntis at mambubuntis. Isipin mo na lang kung paano iiyak ang mga magulang mo kapag nangyari ang gano’n. Bahala ka kung gusto mong marami kang gf o bf, basta lagi mo lang tatandaanan na makokonsensiya ka panigurado sa mga pinaggagawa mo. Hindi mo sila mga alipin…tao rin sila na nasasaktan. At hindi rin sila mga laruan na kapag pinagsawaan mo na, sisirain at itatapon mo sa basurahan. Hindi mo itinataas ang sarili mo kapag marami kang karelasyon bagkus mas ibinababa mo pa ito.
Kapag nagmahal ka, huwag mong ikukulong ang taong mahal mo sa iyong kamay. Ganoon din, huwag mong ikukulong ang sarili mo sa pag-ibig na nararamdaman mo para sa isang tao. Malaya ang pag-ibig kaya dapat malaya rin ang bawat isa. Magseselos ka rin sigurado pero kung talagang mahal mo talaga ang isang tao, hindi mo hahayaang kainin ka ng selos. Kung lalake ka, huwag mong sasaktan ang babae, pisikal man o emosyonal. Kung babae ka, huwag kang makikipaglambuntsingan sa ibang lalake. Kung bakla ka, huwag mong hahayaang huthutan ka nang huthutan ng bf mo. Kung tibo ka, huwag mong paiiralin ang pagiging possessive sa gf mo.
Makakagawa ka ng kasalanan sa ibang tao sa ayaw mo man o hindi, kahit sa mga taong malalapit sa buhay mo. Wala kang ibang magagawa kundi humingi ng tawad at tuparing hindi na iyon mauulit pa. Magpatawad ka rin. Una sa sarili mo, sunod sa mga nakagawa sa iyo ng kasalanan, sadya man nila o hindi. Gumawa ka ng mabuti sa iba nang walang hinihintay na kapalit.
Gamit ang mga kaalaman mo, makialam ka sa bayan mo. Gamit ang mga natutunan mo, maging mas mabuting tao ka kaysa kahapon. Gamit ang mga pagkakamali mo, matuto kang tumayo. Gamit ang mga paniniwala mo, matuto kang manindigan. At gamit ang mga pangarap mo, baguhin mo ang sarili mo sa kung paano mo gustong baguhin ang mundo.
Magtatapos ka at maghahanap ng trabaho. Magkakatrabaho ka at magkaka-sweldo. Magtrabaho ka para tuparin ang mga pangarap mo, hindi para ma-promote. Paghusayan mo ang trabaho mo, hindi lang para sa pera kundi para sa ikasasaya mo. Mag-ingat sa mga plastik sa paligid mo, mas marami ‘yan ngayon. Mapagod ka man sa trabaho at sa biyahe, ngumiti ka pa rin bago matulog. Huwag mo ring kalilimutan ang magdasal.
Kung gusto mo ng mansiyon sa tuktok ng bundok, o ng sampung luxury cars, o ng benteng private jetplanes, o ng isang napakalawak na rancho, o ng isang malaking kumpanya, o isang banyong sinlaki ng limang swimming pool, o mapabilang sa mga pinakamayayaman na tao sa mundo, sige lang. Ikaw ang bahala. Basta huwag kang magnanakaw. Mas simpleng buhay? Mas ayos.
Suklian mo ang mga ginawa sa iyo ng magulang mo. Hindi ito bayad kundi pagganti sa pagmamahal na ibinigay nila sa ‘yo. Bigyan mo sila ng pang-date, pampanood ng sine, pang-aliw sa Disneyland, pang-trip sa Las Vegas, o pambakasyon sa Boracay. Huwag mong isubsob ang mukha mo sa trabaho. Higit ka pa sa payslip o sa memo na ibibigay sa ‘yo ng boss mo. Higit pa ang pangarap mo kaysa sa trabaho mo. At higit pa ang iyong “ligaya” kaysa sa iyong sahod na malaki ang kaltas. Huwag mong kalimutang ibahagi sa iba ang kaligayahan mo. Tumulong ka sa iba: hindi upang magmukhang mabuting tao kundi para makatulong ng bukal sa puso mo. Maging tapat ka sa lahat ng oras. Iangat mo hindi lang ang sarili mo kundi ang sinilangan mo. Umangat ka nang hindi nanghihila ng ibang tao pababa.
Hindi lang ikaw ang tao sa mundo. At hindi mo pwedeng sarilinin ang lahat. Anumang bagay ang ginagawa mo, may epekto sa takbo ng buhay sa mundo. At anumang makamit mo sa buhay, i-mighty bond mo lang palagi ang mga paa mo sa lupa. Masarap lumipad ngunit kung wala ang mga paa mo sa lupa, masakit ang landing. Huwag ding kalilimutang magpasalamat, higit sa Taas at sa mga nakapaligid sa ‘yo.
Pa-autograph kapag sikat ka na.










