HOME     ABOUT US     COMMUNITY     MY EMAIL     DIRECTORY     CONTACT US     HELP

  • Contributor account

    Contributor username


    Contributor password

    Remember me
     

    To login to the TAMBayan forum, click here or register

    Be a TAMBayan Contributor. Upload your essays, short stories, announcements, and other works here! To apply as a contributor, click here

  •   Show off your Tamaraw Spirit. Get our online freebies, ranging from PC desktop wallpapers, mobile phone themes, and more.   Relax and enjoy yourself with uploaded documentaries and other online flicks at the Tamaraw Bayan Screening Room.  
  • Home > Essays > Sino si J. Galto?
  • Love ko Piyu 2012: Post Contest

    Site news
    Madali lang ang mga gagawin. Sagutin lamang ang katanungang ito (English, Tagalog, o Taglish basta maiintindihan ng karamihan): “Bakit mo mahal ang FEU?” Gamit ang iyong Facebook account.. Read more..
  • Paano yumaman (agad)?

    Featured essay
    Paano nga ba yumaman? Marahil halos lahat yata ng Pilipino e gustong yumaman. Baguhin natin ang pangungusap. Marahil halos lahat yata ng Pilipino e gustong yumaman agad. Tama ba ako? Marahil halos lahat yata e gustong maging si Pacquiao o maging.. Read more..
  • FEU returns to NCC 2012, ranks 2nd in the qualifiers

    Sports news
    The FEU Cheering Squad ranked 2nd in the National Cheerleading Championship last February 5, 2012 at the SM Mall of Asia. Last time they joined at 2009, they ranked 6th.
  • Feedburner

  • Subscribe to our feeds through email. Enter your email address:


  • Essays Grievances Personals Sentimentals

    Sino si J. Galto?

    February 11th, 2009 by

    Ako si Juan Galto. At isa akong nursing student.

    Noong Lunes, gumising ako ng ala singko y media upang magluto ng almusal kong pancit canton at maghanda na para sa eskwelahan. Habang naglalakad papuntang school, pinagmasdan ko ang mga taong nakakasalubong ko. Merong bata at matanda, ngunit meron din naman nasa gitna ang edad; merong babae at lalake, meron ding nasa gitna ang kasarian. Nag-hi ako sa mga taong kilala ko na nakasalubong ko. Ang ilan sa kanila, huminto muna sandali upang makipagkwentuhan sa ‘kin.

    “Oh, J. Kumusta? What’s new?”

    “Wala. Ganoon pa rin.”

    Pagkatapos ng usapan namin, magpapaalam na kami sa isa’t isa at maghihiwalay na. Papasok ako sa classroom, uupo sa aking assigned seat, tititigan ang aking mga kaklaseng nagtatawanan at nagkukwentuhan tungkol sa mga ginawa at nangyari sa kanila noong weekends. Nang pinakinggan ko sila, natanong ko sa aking sarili: “Anong exciting sa mga pinag-uusapan nila e paulit-ulit na lang ang topic nila? Kesyo gumimik sila sa bar na ‘to, may nakilalang gwapong babae o magandang lalake; nakakita ng artista sa mall at nagpa-picture sila; nag-Starbucks para lang ipakita sa mga taong nandoon na kaya din nilang bilhin ang mga binibili sa faux na lugar na ‘yun. Tatahimik silang lahat pagkapasok na pagkapasok ng aming propesor. Makikinig kami sa lecture niya na paulit-ulit niyang dinidiscuss, nakakapurga na. Isusulat namin anuman ‘yung nakaflash sa projector. Aantukin ako. Makakatulog. Tutulo ang laway ko. Pupunasan ko. Paggising ko, break na namin. Bababa kami sa canteen ng aking mga kaibigan upang kumain ng French fries at mango shake. Pagkaraan ng 30 minutes, babalik na naman kami sa classroom upang makinig na naman sa kanyang ‘endless lectures’ tungkol sa Endocrine System at Metabolism. Nagtawanan kaming lahat dahil sa sinabi niyang small phallus and small ‘tentacles’. Hello? Kailan pa naging tentacles ang testicles? Kailan pa naging mga galamay ang mga bayag?

    Pagkatapos ng apat na oras na klase, mag-la-lunch kami bago namin attendan ang dalawa pa naming natitirang mga klase at torturin ng mga propesor naming paulit-ulit na lang ang itinuturo. Pagkatapos ng buong araw sa school, babalik ako sa apartment, kakain ng dinner, maliligo, at matutulog. Paggising ko, uulitin ko lang lahat ng ginawa ko kahapon. At ganoon din sa mga susunod na araw.

    “Ano ang dahilan ng buhay?” Mahigit dalawang milenyo nang sinusubukan ng tao na sagutin ang tanong na ito ngunit hanggang ngayon ay tila wala pa ring malinaw na sagot para dito. Sa mga ganitong pagkakataon ko na-a-appreciate ang Alegbra dahil gaano man kakumplikado ang mga problema dito, tiyak, may solusyon pa rin. Kailangan mo lang gamitin ang utak mo. Ilang gabi ko nang pinag-isipan ang sagot sa katanungang ‘yan. Ano ang dahilan ng buhay? Ngunit bago itanong ito, kailangan ko muna nating malaman kung meron nga bang dahilan ang buhay. Paano kung produkto nga lang tayo ng isang cosmic accident? Ibig sabihin, wala talagang purpose ang buhay natin sa mundo dahil hindi sinadya ang paglitaw natin dito, dahil walang may nais na mabuo tayo. Kawawa naman ang mga tao. Dalawang milenyo na tayong naghahanap ng sagot sa tanong na ito only to find out na wala naman talaga tayong purpose sa mundo. Na bunga lang tayo ng isang aksidente. Anong kaibahan natin sa isang batang nabuo dahil lang sa kadahilanang isang gabi, may isang lalaki na nalibugan nang makakita ng isang magandang babae ay ginahasa ito? Nang unang beses kong mabasa ang isa sa mga paborito kong libro na Atlas Shrugged, nahanap ko ang pinakamalapit na sagot sa katanungan ‘yan. Ito ang sagot na may pinakamalapit na kaugnayan at pinakakatanggap-tanggap sa aking mga paniniwala at personal values: Ang dahilan ng buhay ng tao ay ang kanyang pansariling kaligayahan. Nabubuhay tayo hindi para sa iba, kundi para sa ating mga sarili.

    Kapag pinapanood ko ang mga tao, nalulungkot ako para sa kanila. Base sa mga nakikita ko ngayon, masasabi kong the story of mankind is a tragedy. Hindi tulad ng mga halaman na nabubuhay primarily para sa kanilang sarili, ang mga tao ngayon ay nabubuhay para sa ibang tao. At dahil dito, nakakalimutan nila na ang purpose nila sa mundo ay gawin ang mga bagay na gusto nila habang may oras pa.

    Malungkot mang sabihin, isa ako sa mga taong ito. Nag-nursing ako hindi para sa aking sarili kundi dahil pinilit ako ng aking mga magulang. Bata pa lang ako, malikot na ang imahinasyon ko. I dreamt of becoming ang film-maker. Ngunit dahil hindi naman kami mayaman, heto ako ngayon, kailangan mag-aral ng nursing tulad ng libu-libong mga kabataang Pilipino and share a single dream with them – go abroad and search for greener pastures. “Tragedy of the commons,” ika nga ng propesor ko dati sa Economics. Masakit ito para sa ‘kin because I never thought of myself as an ordinary man. I have always seen myself as extraordinary who’ll try to make a difference in the world someday. What huge difference can a nurse do in the world? Hindi lang naman ako ang nurse dito. Milyun-milyon kami. Ang sabi nila, responsibilidad daw ng mga anak na sundin ang kagustuhan ng kanilang mga magulang. Ang ibig sabihin nito, kailangang magsakripisyo ang mga anak para sa kanilang mga magulang, kahit ang mga pangarap pa nila ang maging kapalit nito. Ngunit kung mahal ng mga magulang ang kanilang mga anak, paano nila maaatim na magsakripisyo ang mga ito para sa kanilang pansariling kaligayahan? Tama bang sabihin na “anak, mahal kita kaya magsakripisyo ka para sa ‘kin”?



    “Siyet! Siyet!” Maarteng sigaw ni Dayne habang binabasa ang natanggap niyang mensahe sa celfone niya. Magkahalong gulat at pananabik ang nasa tono ng boses nito.

    “O, bakit parang gulat na gulat ka?” tanong ni Ina habang nakasabit sa mga labi niya ang ilang strands ng pansit palabok na kinakain nito.

    “Nag-text sa ‘kin si Judd! Lumabas na daw ‘yung list ng mga pumasa sa Nursing Aptitude Test! Naka-post na daw sa bulletin board ng Nursing Building!”

    “Hindi nga?” Tanong ng abnormal na si Phil.

    “Oo nga!”

    “Tara tignan na natin!”

    Dali-daling tumayo ang tatlo.

    “Uy, J! Mauna na kami a!” sabi ni Ina. Tumango na lang ako. Hindi ko pa kasi tapos kainin ang inorder kong one and a half na rice at chopseuy.

    Nang maubos ko ang kinakain ko, mahinhin akong tumayo mula sa kinauupuan ko at nilisan ang canteen. Naglakad na ‘ko papuntang Nursing Building. Sa paglalakad ko, ilang emosyon ang aking nakasalubong.

    Una ay si Happiness.

    “Can you believe it!? Pasado ako sa NAT!”

    Gulat na gulat ako. “No. I can’t believe it,” naibulong ko na lang sa aking sarili. Classmate ko si Happiness noong first year ako. Bobong anak siya ng isang congressman. Dahil hindi siya nakapasa sa entrance exam ng isang unibersidad na para sa mga elitista, dito siya sa school namin pinag-aral ng kanyang magulang at pinakuha ng nursing. Siya lang ang taong kilala ko na nakilala lang si Shakespeare sa Literature class namin. Ayon sa tsismis nina Dayne, nakapasok lang daw siya sa unibersidad namin dahil kapatid ng tatay nito ang isa sa may-ari ng school.

    Sumunod si Surprise. Putek. Tawang tawa ako sa mukha niya nang makita ko siya. Akala ko may hyperthyroidism siya dahil nanlalaki ang kanyang mga mata, parang exophthalmos lang. Pinigilan ko na lang ang sarili ko mula sa pagtawa dahil baka mainsulto ko siya.

    “J! Pasado ako! Sulit lahat ang oras na ginugol ko sa pagre-review!”

    Dumating si Anger. Mukhang logo ng McDo ang mga kilay nito, magkadikit. Halata sa kanyang mukha ang galit.

    “Nyeta! Bagsak ako! Papatayin ako ng daddy ko nito! E ayoko naman talagang mag-nursing e! Hindi naman ako mahilig mag-alaga ng tao! Mas gusto ko pang magpinta kaysa mag-bed making!”

    Ilang beses ko na bang narinig ang mga salitang ito mula sa iba’t ibang mga tao? Madaming beses na. At nakakalungkot dahil sinisisi nila ang kanilang mga sarili sa isang bagay na hindi naman nila ginustong mangyari.

    Pinakahuli kong nakausap si Sadness. Mamula-mula ang mga mata nito nang makita ko siya.

    “Ayoko na, J. Ginawa ko naman ang lahat, hindi ko alam kung bakit bumagsak ako. Mapapagalitan ako sigurado nito. E ano bang magagawa ko? Bahala na ang Diyos sa ‘kin.”

    Bahala na ang Diyos sa ‘kin. Nakakatawang pangungusap. Sigurado akong ‘yan din ang sinabi niya bago niya inilapat ang kanyang lapis sa kanyang papel at magsimulang sagutin ang mga tanong sa NAT.

    Nang marating ko ang Nursing Building, nakita ko sina Dayne. Nag-uusap sila ng seryoso na tila may pina-plano. Nilapitan ko sila.

    “J!” Tawag ni Phil.

    “Kumusta ang results?” Tanong ko sa kanila ng nakangiti.

    Nagkatinginan ang tatlo na parang may hindi sila sinasabi sa ‘kin.

    “Pasado kami,” sabi ni Dayne.

    “Wow! Congrats! Teka lang ha, hahanapin ko lang ang pangalan ko,” nagmadali akong pumunta sa tapat ng bulletin board at hinanap ang pangalan ko sa hilera ng mga estudyanteng may apelyidong nag-uumpisa sa letrang ‘G’.

    “Gaara… Galang… Gambit… teka, bakit walang ‘Galto’?”

    Nagulat ako ng biglang may yumakap sa likuran ko. Niyakap ako ng aking mga kaibigan.

    “J, baka may ibang plano ang Diyos para sa ‘yo.”

    Diyos. Natatawa ako sa ideyang may isang malaking nilalang na nanunuod sa mundo. Sino ba ang nakaimbento ng ideyang iyon? Ang mga nakikita ko lang ang pinaniniwalaan ko. Kung meron mang diyos, naniniwala ako ng hindi siya conceited tulad ng mga tao dahil una sa lahat, isa siyang diyos. At ang ibig sabihin nito, hindi niya nanaisin na lagi siyang purihin ng mga tao na tulad ng isang mayabang na lalaki na ang tingin sa sarili ay siya ang pinakagwapong lalaki sa mundo. Sabi nga ni Nietszche: “I can’t believe in a god who wants to be praised all the time.” Plano. Naniniwala ako na tayo ang gumagawa ng ating kapalaran. Tayo ang nagpa-plano ng ating buhay, hindi isang imaginary friend natin. Hindi tayo miniature toys na pwedeng manipulahin ng kahit anong pwersa ng kalawakan. Tao tayo. And man is a rational being.

    “J, marami pa namang ibang Nursing schools diyan,” sabi ni Dayne. Batid ko sa kanyang boses ang kalungkutan.

    “Guys, uuwi muna ko sa apartment. Kailangan kong mag-isip.”

    Naglakad ako papalabas ng gate ng school. Sa paglalakad ko, isang taong-grasa ang lumapit sa ‘kin at pilit na inagaw ang dala kong mango shake. Huminto ako sa paglalakad at nagkatitigan kami.

    “Hoy, ikaw!” sigaw niya. “Tulad ka din ba nila? Tulad ka din ba nila na hindi alam ang dahilan kung bakit sila nabubuhay? Kung bakit sila humihinga? Ano ba ang dahilan ng buhay? Ang pag-aralan ang isang kursong ayaw mo? Ang magtrabaho sa isang opisinang kinaiinipan mo? Ang mabuhay para tuparin ang kagustuhan ng iba? ‘Yan ba ang dahilan kung bakit nabubuhay ang tao? Kung iyan nga iyon, anong kaibahan meron ang buhay sa kamatayan?”

    “Anong alam mo para pagsabihan ako ng ganyan? Isa ka lang sira-ulo na nagkataong napadaan sa dinadaan ko at nagkrus ang landas natin!”

    Humalakhak ang taong-grasa: “Sino nga ba ang sira-ulo sa ating dalawa? Ako na sinusulit ang buhay ko sa mundo? O ikaw na nagsasakripisyo para sa iba tulad ng ginagawa ng kamukha mong tao?”

    Natahimik ako at napayuko sa kanyang sinabi.

    “At papaano ka pagtanda mo at wala nang lakas pa para magtrabaho pa? Masasabi mo bang naging masaya ka sa buhay mo gayong ginasta mo lahat ng oras mo hindi para gawin at kamtin ang mga bagay na makakapagpasaya sa ‘yo kung hindi tuparin ang kagustuhan ng ibang tao? Mamamatay ka bang masaya?”

    Sinubukan na naman niyang agawin ang mango shake mula sa ‘kin. Itinulak ko siya papalayo.

    “Hindi ko ibibigay sa ‘yo ang mango shake ko!”

    Ngumiti ang taong grasa at tumango.

    “Ma, I failed the NAT. I’m sorry. Hindi na ‘ko makakapasok sa College of Nursing next semester.”

    Magmula bukas, mabubuhay na ‘ko.

    “Mr. Galto, why are you late?” tanong ni Propesor.

    Lumapit ako sa kanya, nginitian siya at sinabing: “’Cause I want to come late.”

    “Are you trying to ridicule me in front of my class, Mr. Galto?”

    Hindi ko siya pinansin at dumiretso lang ako papunta sa aking upuan.

    “That’s so disrespectful, Mr. Galto! Get out of my class now!”

    “Hoy! Ikaw! Binabayaran kita para turuan ako! Hindi para sigawan ako! Sa totoo lang, wala nga akong natututunan sa ‘yo e! ‘Yang mga binabasa mo, alam ko na ‘yang mga ‘yan! Alam ko na ang bawal ang fiber sa mga taong may Diverticulosis, na Helicobacter Pylori ang cause ng peptic ulcer!”

    Napatingin ako sa isang kong kaklase na sinisikil ang tawa niya.

    “Kayo! Bakit hindi kayo tumawa!? Bakit hindi niyo ilabas ang mga nararamdaman niyo!? Hindi ba’t totoo naman na wala tayong natututunan sa kanya!? Anong pumipigil sa inyo na gawin ang mga bagay na makakapagpasaya sa inyo!?”

    “Lumabas ka sa classroom ko ngayon din!”

    “E di lalabas! At pwede ba, hindi sa ‘yo ‘tong classroom na ‘to. Pagmamay-ari ng school ‘to.”

    “Get out! NOW!”

    “My pleasure!”

    “J, ano na’ng plano mo ngayon?” Tanong ni Phil.

    “Mabubuhay ako.”

    “J, hindi naman ako nakikipaglokohan – “

    “Phil, mabubuhay ako. Kayo ba masaya kayo sa estado ng buhay niyo ngayon? Ano kayo? Mga nursing students na magiging tunay na nurses in the future, kikita ng dolyar sa ibang bansa para mapatahimik ang bunganga ng inyong mga nanay at mabusog ang tiyan ng inyong mga tatay. At pagkatapos, anong gagawin niyo? Magkakapamilya kayo na sarili at ibibigay ang mga pangangailangan nila. You’ll have to work harder to do that. Sa panahong ‘yon, kung tatanungin ko kayo kung masaya kayo, masasabi niyo bang masaya kayo? Siguro sasabihin niyo “oo masaya ako dahil masaya ang pamilya ko”. Kailan pa naging depende ang kaligayahan natin sa kaligayahan ng ibang tao? May sarili tayong kaligayahan na dapat hanapin. At hindi natin ‘yon mahahanap kung sasayangin natin ang mga oras natin para hanapin ang kaligayan ng ibang tao. Mabubuhay ako. Tutuparin ko ang mga pangarap ko. At ako ang magsasabi kung pwede na ko mamatay.”

    “Mabubuhay ako. Magtatrabaho ako para suportahan ang sarili ko. Mag-aaral ako ng film-making tulad ng dati ko pang pinapangarap. Gagawin ko ang pinakauna kong pelikula, isang pelikulang makahulugan at hindi lang ginawa para pakiligin ang mga tao at kumita ng maraming pera. Isang pang-aabuso ‘yun na ginagawa ng mga sugapa na producers. Hindi ko sila tutularan. Makikilala ako sa buong mundo dahil sa aking pelikula. Magiging sikat ako at mananalo ako ng maraming mga tropeo at parangal. Makikilala ko ang mapapangasawa ko na tulad ko, masaya ding tinutupad ang mga pangarap niya sa buhay. Gagawa pa ko ng maraming mga pelikula, at patuloy na mananalo ng mga awards. Ako ang magiging kauna-unahang Pilipinong director na mananalo ng Academy Awards. Igagalang ako ng tao ngunit mananatili ang aking mga paa sa lupa. Hindi ko ipagmamayabang ang aking tagumpay, bagkus gusto kong maging inspirasyon sa iba. Kasabay nito, magagawa ko ang iba pang mga nais kong gawin sa buhay. At mamamatay ako na kuntento dahil hindi ko sinayang ang buhay ko sa mundo. We have to realize our dreams to change the world. In this way, we can immortalize ourselves.

     
    February 11th, 2009 by  Jan Suing is a former editor-in-chief of The Lamp, the Official Student Publication of the Far Eastern University Institute of Nursing. He's a deist, a fan of Nietzsche, a movie buff and currently the epitome of quarter-life crisis. www.twitter.com/juansuing



  • Book Review: The Little Prince by Antoine de Saint-Exupery

    Entertainment news
    Though I usually begin with a general feel of the novel, this time, I opted not to. Because this book’s outstanding quality, which practically made it a classic, is its subjectivity. Read more..
  • TamBayan Poll: 54% expect DLSU to win the 74th UAAP women’s volleyball tournament

    From a total of 255 online votes at the Tamaraw Bayan community poll from site visitors (not necessarily registered users) initiated last December 1, 2011, a total of 97 votes were ast that they think.. Read more..
  • TAMBayan Book Club

    Entertainment news
    To all bookworms and 'dog-earing' addicts out there: What do you think of having a TamBayan book club? My broad idea of a book club is members share their thoughts about a certain book.. Discuss..
  • Subscribe to Twitter

    Follow the Tamaraw Bayan at Twitter for the latest online community updates.
    Be a fan on our Facebook account
    Be a Tamaraw Bayan fan at Facebook, also get the latest community news.
    Download community toolbar
    Download the Tamaraw Bayan Community Toolbar and add it on your browser.
    11th Philippine Web Awards Finalist
    Best Website for Community & Portal at the 12th Philippine Web Awards.