Singsing
December 8th, 2008 by monch0808Nagising ako isang umaga na may dala-dalang isipin. Mangyari ay dinalaw ako ng isang panaginip…kung ito ay maganda o hindi, hindi ko pa rin batid.
Ng nagdaang gabi, wala akong natatandaan na may iniisip akong kakatwa. Napag-alaman ko kasi na ang panaginip daw ay “reflection of your subconscious mind”. Kumbaga, kung anuman ang nasa isip mo, hindi mo man sadyang iniisip, ay nagiging paksa minsan ng iyong panaginip. Na ang panaginip nga ay produkto ng iyong isipan.
Sa tunay na buhay, ako ay may asawang babae. Noong panahon na kami ay ikinasal sa huwes, hindi kami nagkaroon ng singsing. Kami ay nakabili lamang noong nagdaang taon, “silver”. Nagkakatuwaan pa nga kami dahil matagal na kaming ikinasal, bumili pa kami ng “engagement ring”! Ang singsing ng aking asawa ay mapupuna mo ang “sugpungan”. Ngunit hindi naman namin iyon binigyan pa ng pansin, naniniwala naman kami na matibay ang aming nabili.
Minsan sa aming kuwentuhan sa “chat” (ang aking asawa ay nangibang bansa), nasabi niya na nawala ang kanyang singsing, na ito ay naiwan niya sa banyo dahil hinubad niya ito bago siya maligo. Nakapag-bihis na siya ng kanyang maalaala, ngunit wala na ito sa loob ng banyo ng kanyang balikan. Nalungkot ako. Marahil sa isipan ko ay simbolo ito ng aming pagsasama. Ilang araw pa ang nakalipas, nakalimutan ko na ang pangyayaring ito, ng ako ay dalawin nga ng isang panaginip.
Sa aking panaginip, ang suot kong singsing ay makikita rin ang sugpungan. Habang tinitingnan ko daw ito, napansin kong unti-unting nasisira ang singsing! Ang dugtungan ay unti-unting nabibiyak sa aking daliri! Ngunit wala naman akong nararamdaman na kahit ano…kung ako ba ay nagugulat, nagtataka, o nangangamba man lang. Sa malas ay wala akong nakapang pakiramdam sa pagkakataong iyon! Hanggang sa tuluyan na ngang nasira ang singsing! Hanggang sa pagkakataong ito ay nasira, blangko pa rin ang aking pakiramdam…
Sa aking pag-gising, naalaala ko ang tungkol sa singsing. Hinaplos ko ang singsing na nasa kaliwa kong kamay, at pinipilit kong kapain kung ano ba ang nais nitong ipahiwatig. Ito ba ay literal na masisira? O ang relasyon ko ba sa aking asawa ang siyang nanganganib na masira? Ayaw kong guluhin ang aking isip tungkol dito. Ayaw kong mangamba sa isang bagay na walang katiyakan. Ngunit sa isang tulad ko na bihirang managinip, at ang ilan ay nagkakatotoo, ito ang nagdudulot sa akin ng pangamba. Bukas ang aking isip sa posibilidad na kami nga ay dumating sa punto ng paghihiwalay. Ngunit hindi naman namin ito hinihiling. Dumaan na din kami sa mga pagsubok, at iyon naman ay aming nalalampasan. Ako ay napapaisip lamang marahil sa ngayon dahil wala naman akong nakikitang banta sa aming pagsasama, bakit ako mananaginip ng gaya nito?
Haaay! Ito ay isang panaginip! Hindi dapat ako magpa-daig! Hindi ko dapat iniisip ang mga negatibong bagay na gaya nito. Kung ang panaginip ko ay ang pagkasira ng singsing, kahit ito pa ang totoong mangyari, matatanggap ko ng maluwag sa dibdib! Madali naman itong maipapaayos sa aming napagbilhan. Ang mahirap ay kung ang aming relasyon ang masira…hindi ito maipapaayos sa alinmang tindahan!













