Puro pera
October 17th, 2009 by andoyman
“Each man kills the thing he loves.”
-Oscar Wilde
Puro pera.
Puro tungkol na lang sa pera. Nababanas ako kapag pinoproblema ko ang pera dahil sa kaloob-looban ko, ayaw na ayaw kong problemahin ang pera. At ayaw na ayaw na ayaw na ayaw kong mabuhay para lang kumita ng pera. Importante siya para mabuhay pang-araw-araw pero hindi siya ganoon kahalaga para ibigay mo ang buong buhay mo para rito. Tae ka kapag gano’n.
Naiinis din ako kapag iisipin kong dapat maghanap ako ng trabaho para sa pera. Mahirap eh. Napakahirap.
Alam mo ba ang dahilan kung bakit ako nag-Computer Engineering at hindi Fine Arts ang kinuha ko?
Laging tanong ‘yan sa akin ng mga kaklase ko noon, “E bakit ka nag-Computer Engineering?” At ang lagi kong sagot, “Para makahanap kaagad ng trabaho na malaki ang kita ng pera.” Pero ang totoo talagang dahilan, gusto kong mag-ipon para matupad ko ang pangarap ko. Isa pang maselang dahilan, ang akala ko kapag nag-Fine Arts ako, wala akong makukuhang trabaho na malaki ang kita. ‘Yan. ‘Yan ang walang kakwenta-kwentang dahilan ko.
Walang ibang nakakaalam ng dahilan kong ‘yan. Tanging ako lang. Wala akong pinagsabihang iba. Kahit magulang ko, o kapatid ko, o kahit mga kaibigan ko, o kahit mga kaklase ko. Pero ngayon, isinisigaw ko ang totoong dahilan dahil gusto kong maglabas ng sama ng loob, inis sa sarili, galit sa maling desisyon, at pagluluksa sa kinalabasan ng napakawalang-kwentang desisyon ko sa buhay na ginawa ko apat na taon na ang nakararaan. Bumigay na ang tali sa kaloob-looban ko.
Wala akong tiwala sa pangarap ko. Iyan ang tanging naisip ko nang minsang mapagtanto kong mali pala ang naging desisyong ginawa ko. Isang malaking maling desisyon. Isinuplong ko ang sarili ko sa libingan. Naiinis at naaawa ako sa sarili ko dahil anhilig kong guluhin ang buhay ko. Gusto kong magmura at sigawan ang sarili ko.
Nilakad ko ang isang mahabang daan at natanaw ko ang isang magandang lungsod na may mga nagtataasang gusali. Pinilit kong makarating sa lungsod na ‘yon habang iniisip kung ano kaya kung pinili ko iyong isang daang hindi ko pinagkatiwalaan dahil sa madilim na gubat nito. Tuwang-tuwa ako at narating ko rin sa wakas ang lungsod. Kaso pagkarating ko, tuluyan kong naisip…tuluyang bumalot sa katauhan ko, hindi talaga ito ang gusto ko. Nilabag ko ang sarili ko.
Maaaring sabihin ng iba, e di magtrabaho ka na lang para sa pamilya mo.
Walang masama roon. Gusto ko ring gawin ‘yon. Gusto ko ring isiping iyon na lang ang idahilan ko. O di naman kaya, isipin ko na lang na kailangan kong mag-ipon para sa pangarap ko dahil iyon naman talaga ang balak ko noong una pa lang. Pero pusanggala, anhirap talaga! Paano ko iisipin ang pamilya ko kung ang sarili ko, hindi ko kayang isipin? At paano ko iisiping “kailangan ko lang mag-ipon ng pera para sa pangarap ko” gayong alam kong kahit kailan naman at kahit magkano naman, kaya ko nang simulan ang pangarap ko?
Kasakiman. Kasakiman ba ang pagtupad ng pangarap? Kasakiman ba kung uunahin mong hanapin ang sarili mong kaligayahan? Sa tingin ko, hindi. Paano ka magbibigay ng pagkain at tubig sa iba kung ikaw mismo, wala kang makain at mainom? Bago ka maging “selfless”, dadaan ka muna sa “self”. Susunod na lang ang “less”.
Akala ko, hindi ako magpipiga ng luha sa desisyon ko…akala ko lang pala ‘yon. Inipit ko ang sarili ko sa dalawang pader na ako mismo ang gumawa.
Naguguluhan ako, mas magulo pa kaysa noong nag-aaral pa ako. Iyong limang araw na training ko sa isang kumpanya, isang punto ‘yon kung kailan napagtanto ko ang lahat…kung ano ba talaga ang gusto ko…kung kakayanin ko bang mabuhay araw-araw na ang ginagawa ko ay taliwas sa talagang gusto ng puso ko. Sabi ng nag-interbyu sa akin doon sa isang kumpanya naman, isipin ko na lang daw na nagtatrabaho ako para kumita ng pera. Naisip ko na kaya niya ‘yon sinabi sa akin, bukod sa pampagaan ng loob dahil sa oras ng trabaho roon, ay baka dahil alam niya ang hilig ko base roon sa isinulat ko sa papel noong nag-a-apply ako. Pero mahirap lokohin at lituhin ang sarili mo, lalo na puso mo. Kaya mong baguhin ang iniisip ng utak mo, ngunit hindi mo pwedeng patigilin ang sinasabi ng puso mo. Pwede mo lang huwag pakinggan ngunit ikaw lang din ang mahihirapan sa huli.
Siraulong gago. Self-pity? Oo.
Eh sa hindi ko kayang balewalain at tanggihan ang talagang gusto ko. Nagawa ko nang balewalain ang gusto ko sa loob ng apat na taon dahil ang akala ko noong una, mas makabubuti ‘to para sa sarili ko, sa pamilya ko, sa hinaharap ko, at sa pangarap ko. Tange talaga ako. Dapat noong una pa lang, nagtiwala na ako para hindi na ako nahihirapan ng ganito ngayon. Mas mabuti ng maranasan mo ang hirap habang inaabot mo ang iyong pangarap kaysa danasin mo ang hirap ng hindi mo tinutupad ang gusto mo. Ang pangarap mo ay gusto at kailangan mo. Hindi lang ito “want” kundi “need” din. Ito ang tingin ko.
Ngayon, kailangan kong pangatawanan ang desisyon kong ‘to habang nilalakad ko pabalik ang daang tinahak ko pabalik doon sa isang daang ikinu-compass ng puso ko dahil walang tulay na nagdudugtong sa dalawang magkaibang mundong tinahak at tatahakin ko. “Start from scratch”, ika nga nila.










