Projection
November 5th, 2008 by Jan SuingTumalbog ang liwanag ng araw mula sa salamin. Sinilaw nito ang kanyang mga mata. Inilayo niya ang mga ito mula sa mainit na liwanag. Ang ganda ko. Ang ganda, ganda ko. Ang ganda, ganda, ganda ko. Iyan ang paulit-ulit na sinasabi niya sa kanyang sarili habang hinahaplos niya ang kanyang mahaba’t maitim na buhok.
“Elsa, kumusta na nga pala kayo ni Daryl?” tanong ng kaibigan nito sa kanya.
“Okay naman. Ganun pa rin, wala pa ring nagbabago,” sagot ng babae na walang patid sa pagtingin ng kanyang sarili sa salamin.
“Ganun pa rin? Ows? If I know.”
“‘If I know’, ano?” napatingin si Elsa sa kaibigan.
“If I know, may nangyari na sa inyo,” humagikgik ang babaeng kausap ni Elsa.
“Hello??? Ni hindi pa nga niya nahahawakan ang mga kamay ko e! Anong tingin mo sa ‘kin? Pokpok? Hindi ako pokpok ‘no! Hindi ako cheap! Hindi ako kaladkarin!”
Nagtawanan ang dalawa. Napatid lang ang asaran nila nang dumaan ang isang napakagandang babae sa kanilang harapan. Tinignan ni Elsa ang babae mula ulo hanggang paa. Nakadama siya ng kakaibang pangangailangan, pangangailangan para mapanatili ang kanyang imahe. Napansin din kasi niya ang kanyang kaibigan na nakatitig din sa tila anghel na babaeng nagdaan. Nakakaagaw ng atensyon ang kakaibang ganda nito.
“Speaking of pokpok,” sabi ni Elsa, “kakadaan lang ng pokpok ng bayan sa ating harapan.”
“Si Jenny?”
“Sino pa nga ba? Pa-demure lang ang babaeng ‘yan. Pero sigurado ako, hindi na siya virgin ‘no!”
“Sigurado ka? Pero ang ganda niya ‘no – ”
“Maputi lang siya.”
“Ang kinis ng balat niya.”
“I’m sure naubos na ang pera niya kakapunta sa derma.”
“Ang ganda rin ng buhok.”
“Rebonded.”
“Ang tangkad pa niya.”
“Mataas lang ang heels niya. Insecure kaya ‘yan sa ‘kin… sabi ni… ano, ni… Gina!”
“Talaga?”
“Oo kaya! Bina-backstab pa niya ko! Kaya I hate her! Backstabber siya! Kung may problema siya sa ‘kin, sabihin niya ‘yun in front of my face! Hindi ‘yung sa ibang tao ko pa nalalaman!”
“Totoo ba ‘yan? Grabe naman siya.”
“Pokpok kasi siya. Alam mo bang may nangyari sa kanila ni Gerald? Nilandi niya si Gerald!”
“Ew! Speaking of Gerald, napansin mo bang kanina pa siya nakatingin sa ‘yo? Ayun siya o, nasa kabilang table.”
Napangiti si Elsa. Inayos niya ang kanyang buhok at muli niyang tinignan ang sarili sa salamin. Ang ganda ko. Ang ganda, ganda ko!
Biglang tumunog ang cellphone ni Elsa.
Gerald: Wag mong kalimutan ha. 6pm. Sa harap ng motel sa Recto.










