Nakakapagod
May 6th, 2010 by sigbin quixano, punkrock legendNakakapagod
Napapagod din ang katawan
sa pagmartsa at pagsigaw sa itim at mausok na kalye;
taas-taas, winawagayway ang pulang bandera,
ukit-ukit ang mga letrang muot ng galit, prinsipyo at daing;
kahit alam naman na, na ‘di maiintindihan ng mga kawani
dahil sa kapal ng telon sa matayog nilang mga gusaling
pinundar ng manggagawa, nang ani ng kalyadong magsasaka, pawis ng jeepney driver, boses ng guro.
Napapagod din ang katawan
sa pag-akyat sa bundok
matapos magpahinga ng kaunti
sa hapo ng pagmartsa, pagsigaw at pagtaas-baba ng kaliwang kamao;
at nang sumagi din sa iyo, na tiyak na ikinatuwa nila kung nalaman nila, na kahit ilang beses mong pagtatadyakan ang kalasag ng sunod-sunurang mga pulis sa bawat demonstrasyon,
hinding-hindi kanila didinggin.
Panggulo ka lang
At, sa bagay, ‘di naman ganyan ang ‘tamang’ pakikipag-usap sa mga tulad ni Caligula, ilusyonado’t pakiramdam kanila ang mundo.
Napapagod din ang katawan
sa pagmamasid, pagpitik ng mga letra at paglaban
sa kaaway na ‘di mo man lang malapitan.
Dahil hawak nila… nasa kanila ang lahat.
Napapagod din ang katawan
sa paglakad sa iba’t-ibang opisina,
kakatanong kung nasan na ang nawala;
namamaos din ang boses
sa pagsigaw ng mga kasama na ilabas na ang mga dinukot;
sa paghagulgul ng mga inang palutangin ng buhay at buo ang mga anak.
Nakakapagod talagang umasa sa wala
gaya nga ng nakasanayan na: parang suntok sa buwan.
Ngunit mas mabuti ng mapagod ang katawan kaysa tanggapin na:
patuloy na aagos ang dugo sa tuyo’t na lupa;
na walang hanggan ang pagbusal, ransak, tadyak;
mas mabuti na nga
kaysa maging tupang ginagamit
at dahan-dahang hinahatid sa hukay.










