Maria ng Parang
January 6th, 2010 by andoymanMaria ng Parang
O dalaga sa bintana,
Ang pangalan ay Maria.
Nang ika’y aking makita
Naabot ko ang mga tala.
Mabibilog mong mga mata.
Labi mong sadyang mapula.
Boses mong pang-musika,
Humahalik sa aking tainga.
Gabi-gabi’y nanghaharana
Kasama aking barkada.
Dudungaw ka sa bintana,
Ngingiti ka nang kayganda.
Sa kalagitnaan ng kanta,
Lalabas ang iyong ama.
Bitbit ang antigong pistola,
Sisigaw nang malakas, “Mga P****g ina!”
Ako’y hirap ding pumorma
‘Pag kasama mo’ng ‘yong ina.
Ambangis kasi ng mukha
At para s’yang manglalapa.
Ang hindi mo alam sinta,
pangarap kita sa t’wina.
Laging hiling sa mga tala;
Idinarasal kay Bathala.
Nililigawan na kita
Mula no’ng tayo’y bata pa.
Nang magbinata’t dalaga,
Sinusuyo pa rin kita.
At isang hapong malaya,
Doon sa puno ng mangga.
Ikaw nga ay nag-usisa,
Nagtanong, ba’t mahal kita?
Tumitig sa iyong mata,
Sinambit ‘tong mga salita:
“Pruweba’y ‘di mahalaga,
Basta’t iniibig kita.”
Umaliwalas ang ‘yong mukha.
Kumislap ang mga mata.
Mahinhin kang nagsalita,
“Mahal na mahal din kita.”
At kinasal tayong dal’wa,
Di na tutol ama mo’t ina.
Sa tagal ng pagsasama,
Nakabuo tayo ng labindal’wa.










