lumang random semipoetry
June 25th, 2008 by faye-voriteIsusulat ko ang taning
sa mga mata ko
na hindi tinitingnan,
na hindi tinititigan.
Ininip ako
sa pagkakahabilin sa akin
sa kahoy na aparador
sa maingay na bentilador
sa isda sa tangke
sa bulsa ng uniporme
sa pinid na bintana
sa nakapapasong kama.
Halukipkip ang tugon nila
sa mga kwento
ng koleksiyon ko ng
piling mga ulap
ng mga unang pagkikita
ng pagkakaroon ko ng mga kawal
at isang pares ng mga pakpak
ng pagkasiphayo ko sa paglipad.
Nakasulat ang taning
sa mga mata ko
na pinipilit kong matingnan
na pinipilit kong matitigan.
Iniinip ako
ng pagkakalagay sa akin sa lunsaran
ng nakabiting kawilihan
ng mga bungang isip
ng mga dapat paniwalaan
ng mga eroplano kong papel
na masidhing pinagpipipilas—
kasama ang puting balot
ng matamis kong mga ngiti,
singsidhi ng pagkula sa alkohol
ng nahuling dilaw na paruparo.
Lumipas na taning ang nangupas
sa mga mata ko
na di sinubok tingnan
na di sinubok matitigan
na hindi na titingin
na hindi na tititig.
February 20, 2006

This work, unless otherwise expressly stated, is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Philippines License.
Most commented





