Jollibee
August 18th, 2009 by andoymanDalawang oras kang naghihintay sa loob ng Jolibee sa tapat ng inyong campus. Ubos na ang in-order mong french fries at hamburger, ganoon din ang softdrink at sundae. Malapit na ring maubos ang iyong pasensya sa paghihintay kung hindi lang talaga espesyal ang babaeng iyon.
Malay mo bang aabot sa ganoon. Hindi mo naman kasi inakalang ma-i-inlab ka sa isang tulad niya.
At nakita mo siyang papalapit sa iyong lugar sabay bati niya ng “Hi.” Alam mong sa ngiti pa lang ng babaeng iyon ay nabubuo na ang iyong araw. Sa simpleng jeans at blouse na kanyang suot, gandang-ganda ka na sa kanya. Sumasamyo sa iyong pang-amoy ang halina ng kanyang pabango. At ang iyong mga kamay ay naiinip nang mahawakan ang kanyang lagpas-balikat na buhok. Nang makita mo siya, nagtila isang bulang biglang nawala ang dalawang oras na kainipan mo sa paghihintay.
“Uy, sorry ha. Pinaghintay pa kita tuloy. Antrapik kasi e.”
“Ayos lang. Atlis, dumating ka. Magagalit talaga ako kapag pinaghintay mo ako ta’s ‘di ka darating.”
“Uy, hindi naman. Grabe ka,” pangiti niyang sambit habang nakatingin sa ‘yo.
Patuloy siya sa pagkukwento ng kung anu-ano mula sa pag-alis niya sa kanilang bahay hanggang sa pagsakay ng fx. Patuloy ka sa pakikinig ng kanyang mga tanong tungkol sa mga assignment at quizzes at mga reklamo niya sa mga professor. Napapangiti mo siya sa mga hirit mong jokes at gumaganti ka kapag ika’y kanyang inaasar.
Siya ang unang nakakapansin kapag bagong gupit ka. Siya ang nagsasabi kung gusto niya o hindi ang ginagamit mong pabango. Alam niya ang gagawin kung paano ka pangingitiin tuwing nalulungkot ka. Alam ninyo ang mga ayaw at gusto ng isa’t isa. Mula sa paboritong kanta, ulam, at pelikula hanggang sa mga libangan, mga trip at mga sikreto. Ikaw ang kanyang tinatakbuhan sa tuwing mayroon siyang problema. Siya ang nagsusulat ng assignment ninyo kapag alam niyang male-late ka. At hindi niya nakaliligtaang isama ka sa kanyang mga lakad.
Ikaw ang naghahatid-sundo sa kanya sa sakayan ng fx. Ikaw ang bumibili ng ticket tuwing manonood kayo ng sine habang siya naman ang bahala sa inyong kakainin. Ikaw ang madalas niyang kasama tuwing nati-trip-an niyang tumambay sa freedom park. Ikaw ang lagi niyang kasama sa kanyang mga lakad. Ikaw ang nagtu-tutor sa kanya tuwing may mga exam. Ikaw ang gumagawa ng homeworks niya tuwing siya’y abala sa projects o sa organization niya. Ikaw ang madalas na tagabitbit ng mga gamit niya. Ikaw ang madalas niyang kakwentuhan at kakulitan. At ikaw ang pumapawi ng luha sa kanyang mga mata tuwing umiiyak siya.
Sabay kayong nakikinig ng mga kanta sa iyong iPod. Sabay kayong kumakain tuwing lunch break. Sabay kayong pumapasok at umuuwi. Sabay kayong naglalakwatsa kapag biglang na-suspend ang klase. Sabay kayong nagka-cutting class tuwing trip niyong huwag pumasok. Sabay kayong nagsisimba tuwing Ash Wednesday. Sabay ninyong binubuo ang Simbang Gabi tuwing kapaskuhan. Pareho kayong may regalo sa isa’t isa tuwing may kaarawan at Pasko. Kayo ang nagde-date tuwing Valentine’s day. At tuwing nagkakatampuhan, pareho kayong gumagawa ng paraan upang magkaayos agad kayo.
Kilala ninyo ang isa’t isa. Ang mga iniisip, ugali, at ikikilos, nakabisado niyo na.
Madalas mong tinititigan ang kanyang mabibilog at may pagkasingkit na mga mata na kung magningning sa tuwing natatamaan ng sinag ng bilog na buwan ay daig pa ang isang mamahaling brilyante, ang makinis niyang matangos na ilong, ang manipis niyang labi na singpula ng isang kamumukadkad na rosas, ang pisngi niyang natural na namumula tuwing pupurihin mo ang kanyang kagandahan, at ang kanyang buhok na sing-itim ng gabi ng tag-araw at sing-lambot ng bulak at sing-dulas ng malamig na hangin. At ang kanyang mala-niyebeng-perlas na kutis, ang boses niyang tila isang musika mula sa alpa ng anghel at ang kagandahan ng kanyang buong pagkatao, para sa ‘yo, ang lahat ng ito ang mas nagpatingkad sa kagandahan ng kanyang anghel na mukha. Mula ulo hanggang paa, nakatatak na sa memorya ng iyong puso. Isa siyang napakagandang portrait sa iyong isipan. Siya ang pinakamagandang bulaklak na nakita mo sa malawak na hardin. Siya ang walang hanggan sa iyo…ang iyong habambuhay.
Mahal mo siya.
Mahal na mahal mo siya. Wala ka ng ibang mahihiling pa bukod sa kaniya. Siya lang ang nag-iisa para sa ‘yo.
Gabi na at dapat na siyang umuwi. At tulad ng lagi mong ginagawa, hinatid mo siya sa fx at sinamahan sa mahabang pila. Pareho kayong naghintay hanggang sa siya’y makasakay na. Ngunit bago siya pumasok sa fx, lumingon siya sa iyo at nagwikang,
“Salamat ha. Ingat ka sa pag-uwi.”
Gusto mong halikan ang kanyang mapula, malambot, at manipis na labi. Gusto mong matitigan pa ang kanyang mga matang nagniningning tulad sa isang bihirang makitang diyamante. Gusto mo siyang yakapin ng mahigpit upang ipadama ang init ng iyong pag-ibig. Gusto mong gawin ang mga iyon upang maipadama sa kanya kung gaano mo siya kamahal bago pa man siya tuluyang umalis.
Ngunit pinigilan mo ang iyong sarili at nagsabing, “Salamat din. Ikaw rin, ingat ka sa pag-uwi…bes.”
Bigla mong naalalang siya ang babaeng hindi mo dapat mahalin nang higit sa isang matalik na kaibigan. Mahirap at madali ang ma-inlab sa isang kaibigan sa parehong paraan din kung gaano kahirap at kadaling masaktan ninyo ang isa’t isa nang hindi sinasadya.
At umuwi kang medyo mabigat ang kalooban.

This work, unless otherwise expressly stated, is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Philippines License.
Most commented






August 21st, 2009 at 5:09 am
nakakaantig sa puso ang kwentong ito! ang ganda!
August 21st, 2009 at 11:27 am
Nice. I like it. ^_^
August 22nd, 2009 at 2:28 pm
salamat po.
?December 27th, 2009 at 11:41 pm
aray… “bes”…. haha.
?January 30th, 2010 at 1:26 pm
mahirap yan bestfriend mo. XD
?