Hindi Nga Ba Sapat ang mga Salita?
September 3rd, 2010 by Edmundo LeeWala nang hihirap pa sa kakulangan ng sapat na kaalaman sa mga salita at angkop na gamit sa kanila. May mga pagkakataong nais mong kausapin ang papel at panulat ngunit hindi mo alam kung paano, hindi dahil hindi ka sigurado sa iyong nararamdaman, kundi dahil kulang ang mga salitang alam mo para sumang-ayon sa iyo ang papel, panulat, at damdamin mo. Saludo ako sa sinumang naniniwalang madali ang maging manunulat. Saludo ako sa lahat ng hindi na kailangan pang sumangguni sa diksyunaryo para siguraduhing akma ang salitang kanyang gamit sa kanyang nararamdaman. Saludo ako sa nakaaalam ng kaibahan ng preposterous at ridiculous. Saludo ako sa lahat ng kayang sumulat ng tatlong-pahinang sanaysay, isang bagay na hindi ko nagawa nang minsang kinailangan kong magsulat nito para sa physiological psychology course namin. Oo, marahil ay natapos ko ang sanaysay, umabot sa minimum na tatlong pahina, pero ang marka ko na mismo ang magsasabing hindi maayos ang naging paglalahad ko ng aking opinyon. Hindi ko pinangarap ang maging isang ganap na manunulat, pero sana huwag namang ipagkait sa akin ang mga salitang kadalasan ay siya lamang paraan upang masabi ko ang aking nararamdaman nang hindi na kailangan pang magsalita. Ngunti sino nga ba ang aking sisihin kundi ang aking sarili? Ang mas mahirap dito, hindi ko alam kung paano kong sisisihin ang aking sarili. Mali bang hindi gawing pocketbook ang Merriam-Webster’s Dictionary of the English Language na isang dangkal ang kapal? Hindi ko alam.










