Gilagid ng Buwaya
April 2nd, 2009 by panchopototlegendNakaupo ang Panginoon
Umiinom ng cognac.
Habang si Potot ay nagbubungkal
ng sementadong lupa.
Nanunumbat ang araw
at mapait na bumabalik ang alaala:
Nang magwelga ang mga magbubukid
at sila’y pinaulanan ng bala.
Nakangiti ang Don
Nais kasi niyang turuan ang nagtatanim ng binhi umindak
sa saliw na siya ang akda.
Sabi ng Don sa Panginoon:
“I’ll give them an offer they can’t refuse.”
Ngiti, biglang hitit.
Kaya ng magpirmahan sa CARP
na para lang sa mga karpa
Pumaitaas ang usok ng pangarap
Ngunit kinain ng dilim.
Sa ‘di kalayuan,
Nililinis ng pulis ang dugo
na dahan-dahang tumatatak sa ulyaning kasaysayan.
Bumabaha ng luha
Isa-isang dinadakip
ang mga alitaptap
Isinisilid sa kahon
upang magmistulang black-out ang nayon.
Mapait ang buhay iskwater
Sabi ni Ka Amado:
Para silang “langaw sa isang basong gatas.”
Dito mayaman lang ang nakapagsasaya
Kaya lahat ay gustong maging little brown brother
Dahil sila’y nagdidildil ng asin.
Maging Pacman
para maging mayaman.
Si Nene ay sumasayaw
sa madulas na pulang kawayan.
At nagkolorete ang mga nanay at dalaga
nang dumating si Joe.
Balang araw sila’y tatanghaling Santa
Na nagpapalahi ng asul na matang askal.
Sabik sa tagay ang Panginoon
Kaya pag may ginto sa Sulu
laging may dole-out ang kano.
Lasing ang Panginoon
Sa basag na salamin
At ang kanyang nakikita ay isang hardin.
Ngunit sa dulo ng dila
Sa mga nakatagong salita
Nagpupumilit umaklas ang diwa.

This work, unless otherwise expressly stated, is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Philippines License.
Most commented






April 2nd, 2009 at 2:48 pm
sapul straight to the soul!!!
?