FX
November 24th, 2009 by andoymanNag-aalala ka.
Baka kasi wala na doon ang espesyal na tao sa iyong buhay. Baka hindi na siya nakapaghintay at umuwi na. Baka nainis na siya sa ‘yo sa tagal mong dumating. O ang matindi pa, baka galit na siya sa iyo.
Halos dalawang oras na siyang naghihintay sa Jollibee. Marahil ay panay text at tawag ang ginagawa niya ngunit ‘di ka niya mahagilap.
Kung bakit ba naman kasi sunud-sunod na kamalasan ang nangyari sa iyo nitong umaga. Nasiraan ang FX na sinakyan mo kaya napilitan kang maghintay hanggang maayos ‘to. Naiwan mo pa ang iyong cellphone sanhi para ‘di mo maipaalam sa kanya ang nangyari sa iyo. At ang pinakamatindi, nagkaroon ng banggaan ng tatlong dyip sa dinadaanan ninyong kalsada dahilan para magkaroon ng mahabang trapik.
Parang gusto mong mabaliw dahil tila sirang-sira na ang araw mo. Ngunit nang makita mo siyang nakatingin sa iyo at ang kanyang nakatutunaw na ngiti ang una niyang bati, kusang gumanda ang iyong pakiramdam at nalimutan mo ang mga nakakainis na pangyayari.
Sa wakas, nakarating ka na.
Habang ikaw ay papalapit sa kanyang lugar, kitang-kita mo sa kanyang mga mata kung gaano siya nagagandahan sa simpleng ayos mong jeans at blouse. Batid mong gusto na niyang mahawakan ang malambot at madulas mong buhok, at lubos niyang nagugustuhan ang pabangong ginamit mo.
“Uy, sorry ha. Pinaghintay pa kita tuloy. Antrapik kasi e.”
“Ayos lang. Atlis, dumating ka. Magagalit talaga ako kapag pinaghintay mo ako ta’s ‘di ka darating.”
“Uy, hindi naman. Grabe ka,” pangiti mong sambit habang nakatingin ka sa kanya. Pakiramdam mo ay para kang natutunaw sa kanyang mga matang hindi naaalis ang pagkatingin sa ‘yo. Nakukulong ka sa loob ng kanyang nagniningning na mga mata tuwing tumitingin ka rito.
Nagawi ang iyong mga mata sa kanyang labi. Bigla mong naisip kung ano kaya ang pakiramdam na mahagkan ka ng labing iyon habang mahigpit ka niyang niyayakap at damang-dama mo ang init ng kanyang pag-ibig na unti-unting bumabalot sa iyong katauhan, na tanging ang bilog na buwan at mga palamuting bituin sa maaliwalas at madilim na himpapawid ng gabi ang siyang inyong mga tagapanood.
Sa iyo lang ang kanyang atensyon. Ikaw lang ang kanyang naririnig. Matiyaga niyang pinakikinggan ang iyong mga reklamo, inis, at pagkaasar sa mga nangyari sa iyo. At agad niyang naintindihan kung bakit inabot ka ng dalawang oras sa biyahe.
Siya ang una mong napansin noong unang araw mo sa kolehiyo. Siya ang unang kumausap sa iyo at mula sa sandaling iyon hanggang ngayon, nakakadama ka ng kuryenteng nangingiliti sa iyong puso tuwing magkalapit kayo. Siya ang madalas mong kasama, kakwentuhan, at kakulitan. Alam niya ang mga hinanakit mo. Ang mga bagay na magpapasaya sa iyo. Alam niya kung paano ka susuyuin kapag nagtatampo ka sa kanya. Alam niya ang halos lahat sa iyo tulad ng kung gaano mo rin siya kakilala.
Tanggap ka niya sa kung sino ka at ganoon ka rin sa kaniya.
Madalas mong hilingin na sana’y ikulong ka niya sa kanyang bisig at yakapin ka ng buong pagmamahal. At hahayaan mong marinig ng iyong puso ang mabilis na pintig ng kanyang puso. Gusto mong laging makulong sa kanyang nangungusap na mga mata. Gusto mong damhin niya ang kalambutan ng iyong buhok. Gusto mong gawing unan ang kanyang balikat tuwing ikaw ay inaantok. Gustong mong maramdaman ang init ng kanyang makisig na katawan at ang tamis ng kanyang halik. Siya ang pinakagwapo, pinakamakisig, pinakamabait, pinakamaalalahanin at pinaka-prinsipe sa lahat ng prinsipe. Siya ang walang hanggan sa iyo…ang iyong habambuhay.
Mahal mo siya.
Mahal na mahal mo siya. Ngunit para sa iyo, hindi sapat ang mga salitang “Mahal na mahal mo siya” upang isalarawan ang nag-uumapaw mong pag-ibig para sa kanya.
Gabi na at dapat ka ng umuwi. Inihatid ka niya sa sakayan ng fx at sinamahan ka niya sa mahabang pila. Inaliw ka sa mga kwento at biro hanggang makasakay ka. Ngunit bago ka pumasok sa fx, lumingon ka sa kanya at nagwikang,
“Salamat ha. Ingat ka sa pag-uwi.”
Hiniling mo na sana ay yakapin ka niya at halikan at sabihing mahal ka rin niya. Ngunit ito ang iyong narinig sa kanya, “Salamat din. Ikaw rin, ingat ka sa pag-uwi…bes.”
Bigla mong naalalang siya ang lalakeng hindi mo dapat mahalin nang higit sa isang matalik na kaibigan. Mahirap ngunit dapat itago ang iyong nararamdaman. Masakit ngunit dapat tanggapin ang katotohanang kayo ay matalik na magkaibigan…lamang.
Nakatingin ka sa kanyang likuran habang siya ay papalayo sa iyong paningin. Umaasa kang lilingon din siya’t tatanawin ka hanggang makaalis ang fx na sinasakyan mo. Ngunit nabigo ka. Umandar at umalis na ang fx. At umuwi kang medyo mabigat ang kalooban.

This work, unless otherwise expressly stated, is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Philippines License.
Most commented






December 11th, 2009 at 11:49 pm
ask ko lang kung may kasunod pa ba ito? ganda kasi… :D
December 17th, 2009 at 3:26 pm

?salamat po at nagandahan ka sa isinulat ko…asteg
hehe…iyon po ang balak ko noong una…pero sige, itutuluy-tuloy ko na rin ang kwento na ‘to
yey :D
December 20th, 2009 at 6:29 pm
Ayun! Sige Sige! Aasahan ko yan ah! Thanks Bro! :D
January 3rd, 2010 at 12:17 am
ser andoyman, FEU student ka parin ba? bakit di mo itry maging writer sa Advocate? try mo lang. kung hindi ka pa graduating. :) suggestion lang.
January 5th, 2010 at 12:38 pm
taga-FEU-EAC ako at kasalukuyang graduate…fulltime tambay ako ngayon at kasalukuyan pa ring naghahanap ng trabaho hihi :D salamat sa suggestion…ngayon lang ako nakatanggap ng ganyan…asteg :D sana nga kung pwede…
pero sana nga pwede, kahit kaunting ispasyo lang hehe :D
?