Bubong..
March 12th, 2009 by jelitz_16Nagbabasa ako noon ng paborito kong libro ng may bigla akong maalala. Tumingin ako sa bandang kanluran. Unti-unti nang lumalatag ang dilim sa paligid. Ang mga ibon ay nagsiliparan na pabalik sa kani-kanilang mga tahanan. Umaalingawngaw na ang huni ng mga kulisap. Dapit-hapon nap ala. At bigla pumasok sa aking isip, ‘oras na!’ .
Dahan-dahan akong tumindig mula sa aking silya. Umaray pa ako sa kirot ng aking bewang. Inayos ko muna ang aking suot na salamin saka inilapag ang aking binabasa sa mesa at pumasok sa bahay. Inakyat ku ang sampung baiting na hagdan patungo sa pinakapaborito kong lugar- ang bubong. Dito sa aming bubong ko natutunan ang pinakadakilang damdamin- ang pag-ibig. Hinding-hindi ko makakalimutan ang masasayang araw na pinagsaluhan namin ni Manuel.
Hayskul ako nang makilala ko si Manuel. Bagong lipat sila noon mula sa ibang probinsya. Dahil magkapitbahay ay naging magkaibigan kami agad. Magkasundo kami sa halos lahat ng bagay kaya madali kaming nagkapalagayang-loob. Magkasama kaming umuuwi tuwing hapon mula sa eskwela. At bago umuwi sa kanilang bahay ay umaakyat muna kami sa aming bubong para panoorin ang napakagandang paglubog ng araw. Ganito ang ginagawa namin araw-araw. Di nagtagal, nang kami’y disi-sais na ay nag tapat siya sa akin ng pag-ibig. Oh, talagang napakasaya ko ng araw na iyon! Parang may nakapalibot sa amin na mga ibon at kinakantahan kami!
Ngunit buwan lang ang nakalipas mula ng maging magkasintahan kami, isang malungkot na Manuel ang kumausap sa akin sa bubong pa rin namin.
“Ella.. may sasabihin sana ako..”, simula niya. Ramdam ko ang tension sa kanyang boses.
“Ano iyon Manuel? May masama bang nangyari?” pag-aalala ko.
“E-ella, kinalulungkot kong sabihin sayo, p-pero.. Lilipat na kami sa America. Iyon kasi ang gusto ng mama..”
Nagulat ako sa sinabi niya pero inakala kong biro lang iyon.
“Haha.. Gusto mo talaga akong patawanin!”, sabi ko.
“Pero Ella, iyon ang totoo! Gusto ko mang magpa-iwan ay wala akong magagawa.”. Pagkasabi nya nun ay biglang tumulo ang kanyang luha. At saka ko napagtantong totoo pala yun. Di ku na napansin ang pagpatak din ng aking luha. Hinawakan niya ang kamay ko, at sinabing “pero babalik ako Ella! Pangako..! Babalik ako para sa atin. At pagbalik na pagbalik ko ay magpapakasal tayo! Pangako iyon Ella.. Pangako.”
Naniwala ako sa sinabi niya na babalik siya. Naghintay ako sa kanya. Ngunit limamput-tatlong taon na ang nakalilipas. Ngayon ay magpi-pitumpong taong gulang na ako! Walang Manuel na bumalik o nagpakita. Ngunit hanggang ngayon, ay naghihintay parin ako sa kanya. Umaasa pa rin ako na isang araw ay babalik sya.. Upang tuparin ang kanyang pangako..
Kasabay nang paglubog ng araw ng pumatak din ang luha sa aking mga mata. Luha ng pag-asam na sana ay bumalik ang aking minamahal..










