Binigyan ko ng Deadline ang Buhay Ko
April 8th, 2009 by andoymanWala ako sa maling pag-iisip. Hindi rin ako baliw o siraulo katulad ng iniisip mo. Gusto ko lang talagang lahat ng bagay, nasa ayos, nasa plano, nasa oras.
Nasanay ako mula sa pagkabata na maayos ang mga laruan ko, maayos ang higaan ko, maayos ang mga damit ko, malinis ang kwarto ko, at nasusunod ang mga plano ko. Lahat sa akin, may iskedyul. Hindi naman siguro halatang organisado akong tao, ‘di ba? Nahihirapan akong hanapin ang mga gamit ko kapag wala sa tamang lugar ang mga ito kaya mas gusto ko, organisado ang lahat ng gamit ko, kahit ang oras.
May iskedyul akong ginagawa mula noong bata pa ako. Tinuruan ako ng Mama ko kung paano gumawa nito. Sa kanilang dalawa ni Papa ko namana ang ugaling ito at lubos ko itong ipinagmamalaki. Mula elementarya hanggang hayskul, may ginagawa akong iskedyul sa lahat ng ginagawa ko. Mula sa pagbabasa ng libro, pagsasagot ng mga takdang-aralin, pakikipaglaro sa alaga kong aso hanggang sa pag-aaral ko ng piano, mga voice lesson, at panonood ng T.V. Nasanay ako sa ganito kaya hindi na ito mababago.
Kapag hindi ko nasusunod ang iskedyul ko, nasisira ang araw ko. Ang mangyayari kasi, kapag ang isang bagay na nakalista sa iskedyul ko na hindi nangyari sa ganitong oras na gusto ko, magkakaroon ng “domino effect”. Damay ang mga susunod kong gawain para sa buong araw na iyon. Imposibleng maibalik ang oras at iyon ang pinanghihinayangan ko. Mabuti sana kung totoong may Doraemon. Siguradong gagamitin ko ang time machine niya para lang maayos ang nagusot kong araw.
Ang pinakaayaw ko, ang pagsasayang ng oras.
Gusto ko bawat oras, may ginagawa akong makabuluhan para sa sarili ko o para sa kapwa ko. “Time is Gold”. Pero para sa akin, “Time is more precious than gold.” Kaya ganoon na lang ang pagpapahalaga ko rito. Dahil sa ugali kong ito, madalas akong nagiging lider sa mga group activities sa iskul. Ayos nga sa akin iyon e. Bukod sa nagiging lider ako, nagiging modelo pa ako sa iba ko pang kaklase tungkol sa pagpapahalaga ng oras.
Tinuruan din nina Mama’t Papa ang dalawa ko pang kapatid na sumunod sa akin. Pero, hindi naman sa pagyayabang, wala pa ring tatalo sa akin sa pagiging istrikto sa oras. Kapag hindi nasunod ang mga iskedyul ng mga kapatid ko, ayos lang sa kanila. Iyong bunso namin, hanggang elementarya niya lang natagalan ang pag-i-iskedyul. Sa hayskul, wala na, bulakbol na siya. Pero kahit nagbubulakbol siya, hindi naman siya nagpabaya sa pag-aaral.
Ang sumunod naman sa akin na babae, pilit akong ginagaya sa pagiging istrikto sa oras. Siyempre, natutuwa ako dahil naging modelo niya ako. Ang ilang kaibigan ko rin na dati’y hindi gumagawa ng iskedyul, gumaya na rin sa akin. Kaya kapag hindi nagtutugma ang mga oras ayon sa mga iskedyul namin, naghahanap kami ng mga araw na pwede naming gamitin para maglaro kami ng basketball o ‘di naman kaya’y maglakwatsa.
***
Hayskul nang unang beses akong nagkaroon ng kaaway dahil sa pagiging istrikto ko sa oras. Hinamon niya ako ng suntukan pagkatapos ko siyang masigawan dahil sa kanyang ilang beses na pagka-late at hindi paggawa ng mga nakatoka niyang gawain para sa aming group project. Pagkatapos ng klase, mga bandang alas-singko ng hapon, pumunta ako sa likod ng eskwelahan namin.
Ako lang ang mag-isa. Hindi alam ng mga kaibigan at kaklase namin pati na ng mga guro ang tungkol sa away na ito. Pagdating ko, nandoon na siya at walang kaabug-abog siyang sumugod. Buti na lang naiwasan ko ang kanyang suntok. Gumanti ako ng suntok sa kanya pero nasalag niya at pagkasalag, isang kamao ang natikman ng aking panga na naging dahilan para mahilo ako. Nakaganti ako ng bigyan ko siya ng suntok sa sikmura at isa sa kanyang mukha. Napalayo siya sa akin.
Kumuha siya ng isang dos-por-dos na kahoy. Napansin kong may nakausling pako sa dulo nito. Napaurong ako habang siya nama’y dahan-dahan na lumalapit. Nang naka-akmang ipupukpok na sa akin ang hawak niyang dos-por-dos, bigla kaming nakita ng sikyu ng iskul sanhi para pumito siya at tumakbo papunta sa amin. Napalinga ako sa sikyu at paglingon kong muli sa kaaway ko, nasa harap ko na ang dulo ng dos-por-dos. Tinangka kong umiwas para hindi tamaan ang ulo ko subalit ang balikat ko naman ang tinamaan. Napadapa na lang ako sa madamong lupa habang hawak-hawak naman ng sikyu ang aking kaklase. Puro mura ang umalingawngaw sa kanyang bibig habang patuloy sa pagdugo ang natamo kong sugat. Narinig ito ng mga batang papaalis na ng iskul. Maya-maya lang ng kaunti, dumating ang dalawang janitor para tumulong. Kinuha nang isa ang kahoy na ipinukpok sa akin habang pilit nilang pinipigilan ang nagpupumiglas kong kaklase.
Dumating ang ilan naming kaklase at dinala nila ako sa aming klinika. Ginamot ng nars ang natamo kong sugat sa aking balikat samantalang ang kaklase ko naman ay nasa opisina ng prinsipal. Matapos akong malapatan ng paunang-lunas at mabendahan ang aking balikat, sinamahan ako ng nars papuntang principal’s office. Bigla akong niyakap ng aking Mama nang makita niya ako at hinawakan sa ulo at kinumusta naman ako ng aking Papa. Hindi makatitig sa akin ang aking kaklase. Nandoroon din ang kanyang mga magulang. Batid sa kanilang mga mukha ang ‘hiya’ sa ginawa ng kanilang anak. Dahil sa nangyari, sinuspinde ng prinsipal ang aking kaklase ng isang buwan.
Kinabukasan, naging sentro ako ng usapan sa buong hayskul. Ang mga kaklase ko’t kaibigan, puro pangungumusta’t pagtatanong tungkol sa nangyari.
Habang lumilipas ang araw, unti-unti na naming nalilimutan ang nangyari sa araw na iyon. Habang patuloy sa paglubog at pagsikat ang araw, nakakaramdam ako ng kakaiba. Habang patuloy sa pag-andar ang numero sa kalendaryo, nagkaroon ako ng alinlangan, ng mga tanong.
Paano kung hindi lang pala siya ang may galit sa akin? Paano kung galit din sa akin ang iba ko pang mga kaklase dahil sa ugali kong ito? Paano kung hindi totoo ang mga ipinapakita nila sa akin kapag kaharap ako? Paano kung ganoon nga? Ano ang gagawin ko? Pakiramdam ko ay dahan-dahan, paunti-unti, parang isang bangka na marahang hinihila ng dagat papalayo sa pampang, papalayo sa mga kaklase’t kaibigan ko.
Nakapagtapos ako ng hayskul pero hindi na bumalik ang nasuspinde kong kaklase. Panahon naman na para harapin ang kolehiyo.
***
Parang halos magkatulad lang ang kolehiyo at hayskul. Kaunti lang ang mga ipinagkaiba.
Tinanong ko ang isa kong kaklase kung ano ang tingin niya sa buhay-kolehiyo. Para sa kanya, toxic ang buhay-kolehiyo sa dami ng paperworks na gagawin, lectures na rerebyuhin, sunud-sunod na exam, cramming sa dami ng sabay-sabay na assignments na pinataw ng mga prof, at pagpasa ng mga requirement tulad ng notebook, dula-dulaan, movie filming, etcetera sa “Raise from Hell” mong prof. Tuwing nakikita ko ang kaklaseng ito, para siyang tinanggalan ng langit at ibinitin patiwarik sa nagbabagang hurno ng impiyerno. Ganoon siya ka-stress.
Iyong isa ko namang kaklase, para sa kanya, ang buhay-kolehiyo ay tulad ng buhay sa Pilipinas. May kurakot, may manloloko, may manggagantso, may nangongotong at may mga oportunista. Kesyo ite-text ka na punta ka sa ganitong lugar, sa ganitong floor ng building, at may ipapagawa sila sa iyo para kumita ka ng malaki pero pagdating mo roon, hihingan ka ng malaking halaga para makasali ka sa grupo nila. At para ka naman kumita ng malaking halaga, kailangan mo ring mag-imbita ng iba pang estudyante na sasali. Kumbaga, pyramid scam.
Dagdag pa niya, kung mahirap ang mabuhay sa Pilipinas, ganoon din sa kolehiyo. Kung magulo ang sistema sa Pilipinas, ganoon din sa kolehiyo. Para sa kanya, ang kolehiyo ang munting salamin sa estado ng isang bansa. Sa totoo lang, biglang napaisip ako roon.
Nagtanong pa ako ng isa ko pang kaklase. Pagkatapos niyang marinig ang tanong ko, ang kanyang sagot, “Ewan.” ‘Lang kwenta.
Para sa akin, ang kolehiyo ay parang tulay na nagdurugtong sa dalawang magkahiwalay na lugar, parang San Juanico Bridge. Ang buhay-kolehiyo, parang buhay rin sa tulay. Namamalimos ka, este, ikaw ang drayber ng sinasakyan mong kotse, mapa-Sarao man ‘yan o BMW. Kung gusto mo, motorsiklo, kalesa, biskleta, unicycle, skateboard, tricycle, pedicab, o kuliglig ang iyong sinasakyan. ‘Yun nga lang, trapik. Marami kasi kayo at kailangan niyong maghintay ng matagal hanggang marating ninyo ang dulo ng tulay na kung saan ay simula naman ng kabilang lugar. Ang kolehiyo ang nagdurugtong sa pagiging tinedyer at pagiging adult mo, sa pagiging palaasa mo sa iyong magulang at sa pagsasariling-kusa, sa pagiging isip-bata at sa pagiging mature, sa ikaw noon at sa ikaw sa hinaharap. Kapag nakarating ka na sa dulo ng tulay, graduate ka na.
Pwede rin kayang analogy ang RORO?
Napansin ng isang prof ko ang pagiging istrikto ko sa pagsunod sa aking iskedyul. Natuwa siya sa ganito kong ugali. Sana raw ay ganoon din siya. Sa muling pagbukas ng kanyang bibig at paglitana ng kanyang mga salita sa aking tenga, nawindang ang aking isipan. “Baka sa sobrang istrikto mo sa oras, bigyan mo ng deadline ang buhay mo.” sabi niya kasunod ang pagtawa.
“Oo nga, ‘no. Magandang ideya.” ang nasabi ko sa aking sarili. Ayoko rin naman kasing mabuhay ng matagal. Ayokong makitang nahihirapan ang aking pamilya sa pag-aalaga sa akin. Ayokong magmukhang pabigat dahil sa kahinaan ko dulot ng katandaan. Kaya mas magandang bigyan ko ng iskedyul ang kamatayan ko.
***
Dati ko pa siya nakikita rito sa kolehiyo. Sobrang dalang lang. Maganda siya. Cute. Pero wala siyang dating sa akin. Ilang sem ang lumipas, nakita ko ulit siya. Wala akong ideya kung ano ang maaaring itawag ko rito sa bigla kong naramdaman pero parang…nagkaroon ng kakaiba sa sandaling muli ko siyang nakita. Wala talaga akong ideya.
Kinakabahan ako. Hindi tulad ng kaba kapag alam mong nagalit mo ang ‘yong prof, o kapag nakagawa ka ng mali’t sigurado kang mapapagalitan ka ng magulang mo, o kapag maingat at patago kang nangongopya sa kaklase mo, o kapag biglang ginulat ka ng kaibigan mo o sa biglaang pagsulpot ni Sadako sa pinapanood mong horror movie. Kakaibang kaba ang aking nararamdaman tuwing nakikita ko siya.
Gabi. Tulog na ang mga magulang namin. Nagbabasa ng libro ang aking kapatid na babae nang ikinuwento ko sa kanya ang tungkol sa wirdong naramdaman ko sa isang babae. Wala ang bunso namin sapagkat siya’y naglalabas ng delubyo sa Isolated Rest Room o C.R. Tinanong ko ang kapatid kong babae tungkol dito. Nakangiti siya na parang nang-aasar nang sabihin niyang,
“Uyy…Inlab si kuya.”
“Hah?! Pa’no nangyaring in-love ako e hindi ko naman siya kilala. Ni ang pangalan niya, hindi ko alam.”
“Basta kuya, in-love ka. Hindi ako pwedeng magkamali.” sabi niya kasama ang isang ngiting hindi ko mawari ang ibig sabihin, saka naman biglang pumasok ng kwarto ang bunso namin. Agad na ikinuwento ng kapatid kong babae sa aming bunso ang mga ikinuwento ko sa kanya. Kaya ayun, parehas nila akong tinukso. Napuno ang gabi ng panunukso nila sa akin. Natulog na lang ako, pero parang napapangiti ang aking labi ngunit ‘di ko alam ang dahilan.
Nilapitan ko siya minsan nang matiyempuhan kong nag-iisa siya. Nagpakilala ako sa kanya at ganoon din naman siya. Mula noon, naging madalas ang aming pagkikita. Madalas kaming nag-uusap tungkol sa iba’t ibang bagay. Nagkukwentuhan kami sa mga bagay na parehas naming gusto. Sa maikling salita, naging maganda ang naging ugnayan namin sanhi para maging “close” kami sa isa’t isa.
Naaalala ko pa ang lahat. Ika-18th birthday niya at ako ang naging escort niya. Nang kaming dalawa na ang sumasayaw, walang anu-ano’y lumuhod ako sa kanyang harapan at tinanong ko siya sa harap ng kanyang mga bisita, ng aming mga kaklase, ng kanyang mga kaibigan na aking naging kakontsaba, at ng kanyang mga magulang, kung maaari ba kaming maging magkasintahan. Lubos siyang nagulat. Hindi niya inaasahan ang pangyayaring iyon. Ngunit, isang napakagandang ngiti ang ibinigay niya at sa harap ng madlang tao, ako ay kanyang sinagot.
Naging kami mula noon. Tuwing kaarawan niya, sabay naming ipinagdiriwang ang aming anniversary.
Pero katulad nang kung gaano naging karomantiko ang sandali na kami’y naging magkasintahan, ganoon din katindi ang sakit ng aming pagbi-break. Parehas kaming umiiyak ng mga sandaling iyon. Parehas na nakakadama ng sobrang kalungkutan. Siya ang kumalas. Ang kanyang naging dahilan…nawalan ako ng oras sa kanya.
Ironic.
Ako, na laging naglalaan ng oras para sa lahat ng bagay…Ako, na laging sumusunod sa aking iskedyul…Ako, ang taong istrikto sa oras ang siyang naging dahilan ng aming pagbi-break.
Masakit pero totoo. Nawalan ako ng oras para sa kanya. Hindi ko sisisihin ang marami kong ginagawa sa iskul, sa organization, at sa aming publication. Ako talaga ang may kasalanan. Nakakainis. Sinayang ko ang lahat.
Pero wala na akong magagawa. Hindi ko na pwedeng baguhin ang anumang nangyari. Kailangan ko pa ring ipagpatuloy ang aking buhay gaano man kahirap ang umusad. Malapit na akong magtapos ng kolehiyo.
Kaalinsabay ng kanyang pag-alis at pagkawala sa aking mga paningin, bumagsak ang malamig na ulan.
***
Sa isang malaking kumpanya ako nag-apply pagkatapos kong makapagtapos ng pag-aaral. Salamat sa Diyos, nakapasok ako kaagad at nagkaroon ng trabaho. Ako na ang sumuporta sa pag-aaral ng aking dalawang kapatid hanggang sila’y makapagtapos.
Single pa rin ako. Lahat ng ka-batch ko sa kolehiyo, may mga pamilya na. Ganoon din ang mga kaklase ko noong hayskul. Pero hindi lahat sa amin naging maganda ang kapalaran. May mga yumaman, may mga naging mahirap, may mga lalong naghirap, may mga nangibang-bansa, may mga umuwi na lang ng kanilang probinsiya, at may ibang sumakabilang-buhay na.
35.
Iyan ang balak kong edad kung kailan ko wawakasan ang aking buhay. Tatlumpung taong gulang ako nang iniisip ko kung paano ko wawakasan ang aking buhay. Pinaplano ko na rin kung sinu-sino ang susulatan ko at kung ano ang isusulat ko. Iniisip ko na rin ang mga lugar na gusto ko munang puntahan, mga bagay na gusto kong gawin, at mga taong gusto kong makasama bago pa man dumating ang aking deadline. Planado na talaga ang halos lahat. Pwera sa isa.
Isang taon na lang, ayan na ang deadline ko. Ambilis ng panahon.
Alinsabay sa bilis na takbo ng panahon, ganoon naman kabagal ako mag-isip kung paano ko gagawin ang pagtapos sa aking buhay. Ayoko naman kasing maging pangit ang itsura ko kapag natigok na ako. Ayoko rin ng masyadong madugo. Ayoko ko ring makadama pa ng sakit bago ako lagutan ng hininga. Ayoko ring maglason dahil malalasahan ko pa ang kapaitan nito at ang mangyayari pa, baka mailuwa ko pa iyon. Gusto ko walang sakit, walang hirap, walang pait ang aking kamatayan.
Ano kaya ang magiging reaksyon ng mga magulang ko kapag nabasa nila ang sulat ko para sa kanila? E ang mga kapatid ko kaya? Mabasa kaya ng ex ko ang sulat ko para sa kanya? Mahal pa rin kaya niya ako? Maalala kaya ako ng mga kaklase ko? E ang mga naging prof at naging guro ko, maaalala pa kaya nila ako? Ang kaklaseng nakaaway ko noong hayskul, ano kaya’ng magiging reaksyon niya kapag nalaman niyang dedo na ako? May magbabago kaya sa buhay ng mga taong nakilala ko kapag wala na ako? Tatanggapin kaya ako sa langit kapag ginawa ko ito?
Dati, medyo madalang lang ang pagsulpot sa aking isipan ng mga tanong na ito. Pero habang lumalapit ang itinakda kong araw, mas lalo akong ginugulo ng mga katanungang ito. Parang mga guni-guning multo ang mga tanong na ito tuwing matutulog na ako. Hindi ko rin maiwasan tuloy ang mag-senti sa mga nangyari sa nakaraan. Naging mas madalas ang pagiging malungkutin ko.
Lumipas ang isang linggo pagkatapos kong magdiwang ng ika-tatlumpu’t limang kaarawan pero buhay pa rin ako. ‘Di ko alam kung bakit buhay pa rin ako. Dahil ba sa hindi ko alam kung paano ko gagawin ang aking kamatayan? O sa pag-aalinlangan na baka pumangit ako kapag namatay ako? O sa pag-aalala ko sa mga iiwanan kong mahal sa buhay? O dahil sa ‘di mawaring takot?
Pumunta ako sa iba’t ibang lugar na gusto kong puntahan. Ginawa ko ang iba’t ibang bagay na gusto at hindi ko pa nasusubukan. Naglaan ako ng oras para makipag-bonding sa mga taong gusto kong makasama. Gumawa ng mga kawanggawa at kabutihan sa ibang tao.
Handa na akong mamatay. Pero paano?
Isang buwan pagkatapos kong tumuntong sa 35…
Malalim akong nag-iisip habang naglalakad mag-isa papunta sa sakayan ng jeep. Pagod ako sa dami ng trabahong ginawa ko. Iniisip ko kung ano ang gagawin ko para tuparin ang aking deadline. Iniisip ko ang lahat ng anggulo sa mga hakbang na maaari kong gawin. Gusto kong maging tiyak ang lahat ng magiging kilos ko.
“Killer ako ng sarili ko.” bulong ko. Siraulo na nga talaga ako.
Tulad ng katahimikan ng gabing bumabalot sa aking paligid, ganoon din naging kaingay ang mga sumunod na sandali.
“Holdap ‘to! Huwag kang kikilos kung ayaw mong mamatay kagad!” panakot ng holdaper na biglang mahigpit na umakbay sa akin mula sa likuran at tumutok ng isang patalim sa aking tagiliran. “Tahimik ka lang at huwag kang gagawa ng anuman kung ayaw mong mapahamak.”
Hindi ko alam kung iyon na ang kasagutan sa aking pinoproblemang “katapusan”. Matutuwa ba ako o matatakot? Tila may bumubulong sa aking sarili bukod sa mga sinasabi ng holdaper na may mapanghing hininga.
“”Eto na… Eto na ang katuparan sa iyong kagustuhan… Ang paraan ng iyong katapusan…”"
“”Ayoko… Gusto ko pang mabuhay… Natatakot ako… Hindi pa ako handa…”"
“”Sige na.. Magpasaksak ka na lang sa holdaper para matupad mo na ang deadline mo…”"
“”H-hindi ko kaya… Ayoko pang mamatay… Gusto ko pa silang m-makasama…”"
“”Ano ka ba naman? Ito ang hiling mo. Ngayong matutupad na, aayaw ka na?”"
Singbilis ng pitik ng kidlat ang paglamon ng takot sa aking sarili. Ngunit tila bumagal ng sampung beses ang bawat segundong lumilipas. Hindi ko alam. Ang lahat ng plano ko, biglang hindi ko na lang maintindihan. Ito ba talaga ang gusto ko? Ito ba talaga ang gusto kong mangyari? Ito ba ang matagal ko nang hinahangad? Ito ba?
Sobra akong kinakabahan. Sobra akong natatakot. Sobra ang panlalamig ko.
Sa isang iglap, mabilis kong nakita ang lahat ng nangyari sa akin sa loob ng tatlumpu’t limang taong nabuhay ako. Sa isang iglap, nakadama ako ng takot na hindi ko pa nararanasan. Takot na biglang bumulaga sa aking harapan. Takot, na ngayon ako’y pinagtatawanan. Nandiyan na si Kamatayan. Ito na ba ang oras ko? Ito na ba ang katapusan ko? Ito ba ang gusto ko?
Makakaligtas pa ba ako? Bigla kong nalaman sa aking sarili…
Hindi pa sapat ang tatlumpu’t limang taon na nabuhay ako. Marami pa akong gustong gawin. Marami pa akong gustong tapusin. Marami pa akong gustong makasama. Marami pa akong plano. Marami pa akong…
Hindi ko namalayan na kinuha na niya ang aking cellphone, wallet at ang aking bag. Hindi ko namalayan na umalis na ang holdaper. Hindi ko namalayan na biglang nanlambot ang buo kong katawan, napaupo sa gilid ng kalsada, nakatingin sa kawalan ng madilim na kalangitan, mulat ang mga mata at nakatulala sa bilog na buwan na siyang naging saksi sa lahat ng pangyayari. Hindi ko namalayan na lumabas ang luha sa aking mga mata. Hindi ko na alam pa ang mga sumunod na nangyari.
Nagising na lang akong nasa loob na ng aking kwarto. Mag-isa. Pero alam kong, nasa loob na ako ng aking pamilya.
***
Limampung taon pagkatapos ng insidenteng iyon, heto ako at buhay na buhay pa. Alam mo ang nangyari sa akin pagkatapos n’un?
Hindi ko alam pero nasurpresa talaga ako sa mga nangyari. Na-promote ako sa trabaho, nakapagpatayo ng tatlong bahay, yumaman ako, natupad ang mga pangarap ko, nakapag-around-the-world, naging aktibo sa mga kawanggawa, at nakita kong muli ang dati kong ex. Pagkatapos, sa maniwala ka o sa hindi, nagkatuluyan kaming dalawa. Walo ang naging anak namin. Labindalawa naman ang apo ko ngayon. Mukhang magkakaroon na nga rin ako ng apo sa tuhod e.
Wala na akong ibang mahihiling pa. Naging sobrang saya ng buhay ko at ng aking pamilya.
Ang pinaka-natutunan ko matapos ang pangyayaring iyon, nalaman ko, bukod sa wala sa kamay ng tao ang wakas ng kanyang buhay kundi Siya lamang ang may karapatan, na…
“Napakasarap mabuhay. Sayang kung itatapon mo lang ‘to dahil sa dami ng problema mo, o dahil sa marami kang utang, o binasted ka ng nililigawan mo, o nag-break kayo ng bf/gf mo, o ‘di ka nakapasa sa board exam, o nawalan ka na ng pag-asa, o nagtaksil sa’yo ang asawa mo, o asar na asar ka sa prof mong sobrang yabang, o nawala ang tuta mong si PawPaw, o tulad ko na gustong planado’t naka-iskedyul ang lahat. Pero kung gusto mo talagang magpakamatay, sige, go on. Ikaw lang naman ang sobrang lugi kung gagawin mo ‘yan dahil hindi mo na mararanasan ang sarap ng pagkakaroon ng apo, ang alagaan ka ng pamilya mo pagtanda, ang pagmano’t pagyakap sa’yo ng iyong mga apo, at ang makita ang buhay-pamilya ng iyong mga anak. Sa maikling salita, sasayangin mo lang naman ang isang pagkakataon na ibinigay sa iyo para mabuhay.”
“Magpakasaya ka dahil sobrang sarap mabuhay. Minsan lang ‘to.”










