Bilihan ng Burger
March 15th, 2010 by andoymanPabosong sumisilip ang araw sa mga taong paroo’t parito sa kalsada at pilit silang nilililiman ng kaniyang liwanag bago pa man sumikat ang dilim na idudulot ng nagbabadyang pag-ulan. Abala kayong dalawa sa paghihintay na maluto ang in-order ninyong super special burger na naglalaman ng burger patty, cheese, itlog, bacon, ham, repolyo, mayonnaise, at ketchup.
“Mukhang uulan,” nakatingala niyang sabi matapos mapuna ang mga kulay abong ulap na unti-unting gumagapang sa buong lugar.
Tumingala ka rin at sumang-ayon sa kanya. Sa totoo lang, kanina ka pa hindi mapakali. Hindi mo lang ipinapahalata sa kanya dahil ayaw mong mag-alala siya sa ‘yo. Ayaw mong gawin “ito” pero napipilitan ka.
“Wala pa naman akong dalang payong,” pag-aalala mong sabi sa kanya.
“’Buti may dala ako. Sabay naman tayo mam’ya e kaya hindi tayo mauulanan,” malambing niyang sagot para mapawi ang iyong pag-aalala. Ngunit kung alam lang niya, higit pa roon ang iyong inaalala. Nginitian mo na lang siya pagkatapos saka pinagmasdan ang malapit ng malutong burger.
Sinimulan mo ang kwentuhan sa isang reklamo: “Grabe si ser, ‘no? Palaging late kung dumating sa klase.”
“Oo nga. Sayang lang ibinabayad nating tuition fee. Wala rin naman tayong natutunan sa kaniya e. Pa’no, binabasa lang niya ang mga nasa presentation niya,” dagdag pa niya.
“Sana refundable ang tuition fee kapag gano’n ang mga prof mo. Hehehe.”
Nakatawa siyang sumagot kasabay ang pagtapik sa iyong balikat, “Oo nga! Sa bawat late ng prof, may maibabalik sa ‘yo mula sa ibinayad mo. Hahaha!”
“Weeeeh. Tawa naman si Panget!” agad mong pambabara sa kaniya.
“Panget mo mukha mo!” at isang suntok sa braso ang iginanti niya sa iyo dahil sa pambabara mo. Palagi niyang ginagawa iyon sa tuwing napipikon siya sa pang-a-alaska mo. Kung hindi “Panget” ang tawag mo sa kaniya e “Baboy” naman minsan. At kung minsan naman, “Shrek”. Wala lang. Trip mo lang talagang asarin siya ng ganoon kahit hindi naman totoo ang mga salitang ipinang-aasar mo sa kaniya. Madalas mo siyang barahin at gustung-gusto mo ang mga reaksiyon ng mukha niya. Kumbaga para sa iyo, ganoon ang paraan mo ng panlalambing sa kaniya. At kahit nakabusangot ang kaniyang mukha, naku-cute-an ka pa rin sa kaniya.
Kasunod niyong napagkuwentuhan ang exam kanina. Hindi alam ng mga kaklase niyo at lalo na ng mga prof na nagkokopyahan kayong dalawa kahit magkalayo. Gamit ang bluetooth ng cellphone ninyo, patago niyong kinukuhanan ng picture ang inyong mga sagot at solutions saka ipapasa sa isa’t isa. Madalas siyang magreklamo sa sulat mo dahil hindi niya maintindihan ang sulat-kamay mong pang-reseta-ng-gamot habang ikaw naman ay madalas magreklamo sa tagal ng pagbu-bluetooth niya ng sagot sa iyo.
Habang masaya kayong nagkukwentuhan, nakuha niyo na sa wakas ang in-order ninyong burger. Bumili rin kayo ng 7-Up bilang panulak. Hindi lang kayo ang nandoon. Madalas dinadayo ng mga estudyante ang mga burger stand bilang pamatid-gutom matapos ang mahaba at nakakaantok na klase. Mayroon ding mga iba pang pagpipiliang pagkaing ang mga nagugutom at nagtitipid. Nandiyan ang kwek-kwek, fishball, squidball, calamares, kikiam, banana cue at camote cue at palamig bilang pamatid-uhaw. At may ibang footlong at iba’t ibang klaseng shake ang itinitinda.
Sa bawat pagkagat at pagnguya niya sa burger, palihim mo siyang tinitignan. Sa tuwing pinapanood mo kasi siyang kumakain, napapangiti ka. Namamangha ka kasi sa kanyang kagandahan kahit kumakain siya. Patago mo siyang tinititigan sa tuwing hindi siya nakatingin at palihim ka ring ngumingiti. Magkalapit lang ang inyong upuan at hindi mo maiwasang kiligin.
“Bakit?” pag-usisa niya matapos mahuli kang nakatitig sa kaniya. “May kung ano ba sa mukha ko?”
“Ha? W-wala. Wala naman,” nakangiti kang sumagot para hindi siya mag-isip ng kung ano at saka mo iniwas ang iyong mga mata sa kaniya. Bumalik siya sa pagkain pagkatapos. Inubos niyo muna ang inyong burger bago ininom ang biniling panulak. Umalis na kayo matapos kayong magbayad sa ale.
“Ano? Uwi na tayo?” muli niyang tanong sa iyo. Napansin mo ang ngiti sa kanyang mukha. Sa ngiti palang niyang iyon, nagiging instant obese ang puso mo sa ligaya. Naihiling mo sa iyong sarili: “Sana, hindi na matapos ang sandaling ito.”
Gusto mo na sanang umuwi din kasama siya kaso hindi pa pwede. May kailangan ka pang gawin. May kailangan ka pang tuparing pangako. Bago kayo makatawid ng kalsada, mahina kang nagsalita sa kaniya,
“Ah, hindi na muna. May ipapakilala pa kasi ako sa ‘yo.”
Kumulog sa kalangitan babala ng isang paparating na sigwa.










