Bahay/buhay
January 3rd, 2010 by sigbin quixano, punkrock legendBahay/buhay
Dito sa aming bahay, hindi ako malaya
Gusto kong manood ng TV pero hindi pwede
Tataas ang kuryente at mabubutas ang aking bulsa.
Maraming laman ang refrigerator at nais kong magluto ng masarap
Problema nga lang hindi ako chef
Bawal kasing humakbang sa ‘di mo naman saklaw.
Para sa kanila lang ang matatamis na karne at ‘di mo mabigkas na pagkain.
Mabuti pang mag-noodles,
‘yung nutritious noodles na nagpaparamdam ng kaunlaran.
Pinagsama-sama na kasi dito lahat ng bitamina, wala ng hahanapin pa.
Nais kong lumipad at maglayag
Ngunit may nakataling pabigat sa aking mga paa.
Kaya papanoorin ko na lang na lumipad sa hangin ang aking mga pangarap.
Dito kasi sa aming bahay ay pasan ko ang mundo.
Aalis pa lang ako ay ramdam ko na ang bigat.
Hindi rin naman ako pwedeng kumalas sa trabaho ko hanggat wala pang nasisipat na kapalit.
Baka kasi kinabukasan matulog na lang ako sa malawak at malamig na covered court na pinagawa ng papogi naming congressman.
Sa bagay, dito, masamang mangarap ng mataas dahil gutom ang aabutin mo. Magcall-center na lang, at isipin na ikaw ay basketball player, artista, action star etc. habang tinuturuang magcomputer ang isang bobong kano.
Dito kasi sa aming bahay ay may nanay-nanayang diktador
Mahilig siyang gumawa ng batas at mag-utos
Pero, aso, sila lang naman ang nakikinabang at nakakaintindi.
Kaya ang tulad ko ay nakakulong sa isang madilim na sulok
At pasilip-silip lang sa maliit na butas ng liwanag.










