Asystole
October 18th, 2008 by Jan SuingNi Jan Albert Suing
Tatlong araw na naming topic ang Stress and Illness, Dying and Death. Sa loob ng tatlong araw na ‘yun, paulit-ulit kong sinasabi ang biro ko na dapat sa ikatlong araw namen ay may mag-volunteer na isang estudyante na ma-dedz para mas maganda ang diskusyon namen. Visual aid kumbaga. Para hindi lang kame puro imagination. Of course, it was just a joke. A black joke. Natural na siguro sa mga bakla ang pagiging palabiro tulad ‘ko. Bata pa lang ako sisidlan na ‘ko ng kaligayahan sa pamilya namen. Nang nag-high school ako, clown ako ng klase. Same as when I reached college. Kaya siguro ang dami ‘kong mga kaibigan dahil masayahin akong tao. Inaamin din na may pagka-naughty din ako. Mahilig akong mang-okray ng mga ka-chakahan ng mundo tulad nung isa ‘kong estudyante na kamukha ni Zorayda (sumalangit nawa), ‘yung alagang poodle ng kaibigan ko na punung-puno ng garapata, ‘yung ka-trabaho kong BS English (Bobo Sa English), at kung anu-ano pa. Hindi ‘ko na siguro matatanggal ‘to sa ‘kin. Mas masaya kapag masaya kesa malungkot ‘di ba?
Ikatlo’t huling araw na namen ng mga estudyante ‘ko. In fairness, wala akong masabi sa kanila. Matataas ang mga nakukuha nila sa quizzes ko kumpara sa ibang sections na nahawakan ko na. Pilot section kase. Hindi rin naman sila ‘yung tipo ng mga matatalinong estudyante na mukhang nerds. Napaka-diverse ng section nila. Merong mga matatalino talaga, mga maaarte, mga konyo, mga campus crush at mga average students. Ngayong araw ‘ko i-didiscuss ang huling topic namin – Dying and Death.
“Okay, class. What are the signs of impending death?”
Tahimik ang klase. Walang nagtaas ng kamay.
“Sabi ko na sa inyo dapat may mag-volunteer dito sa harapan e. Sinong gustong mamatay?” Biro ko. I expect a laughter from the class pero sa pagkakataong ito, walang tumawa.
“Aba! Seryoso ata kayo ngayon, class a.”
Biglang may nagtaas ng kanyang kamay. Isang lalakeng estudyante. Tinignan ko ang pangalan niya sa seat plan at tinawag siya: “Yes, Mr. Reyes?”
Tumayo ang estudyante.
“Sir, I volunteer.” Tumawa ako ng malakas na malakas, ngunit tila seryoso ang kanyang mukha. Hindi rin tumawa ang klase ‘ko.
“Okay let’s proceed with the discussion – “
Natigilan ako ng maglabas ng matalim na bagay ang nakatayo kong estudyante. Isang lanseta. Naglakad siya sa center aisle papalapit sa ‘kin. Inaabot niya sa ‘kin ang hawak niya.
“Mr. Reyes, this is not funny anymore. Go back to your seat, NOW!”
Umiling ang estudyante. Ang mga mata niya, sa mga mata ‘ko lang nakatingin.
“Sige kapag hindi ka umupo lalabas ako at – “
Nabigla ako nang dahan-dahang ginilitan ng estudyante ang kanyang leeg gamit ang lanseta. Tumilamsik sa aking mukha ang dugo. Bumagsak sa sahig ang estudyante. Natulala ako. Hindi ako makapaniwala sa aking nakita. Pinagmasdan ko ang aking klase. Lahat sila ay nakatingin sa ‘kin. Walang emosyon ang mga mukha.
“Diyos ko, Lord,” nabulong ko sa aking sarili.
Isa-isang nagtayuan ang mga estudyante. Pumila sila sa aking harapan. Sa gitna namin ay ang duguang katawan ng estudyante.
“Bumalik kayo sa kinauupuan niyo!” Halos mangiyak-ngiyak na ‘ko. Ginusto kong tumakbo pero hindi ko maihakbang ang aking mga paa.
Hindi nakikinig sa ‘kin ang mga estudyante ‘ko. Isa-isa nilang inilabas ang mga matatalim na bagay mula sa kanilang mga bulsa.
“Anong ginagawa niyo!?”
Bawat isa sa kanila, winakwak ang kanilang mga leeg. Isa-isa din silang bumagsak sa sahig hanggang sa lahat sila’y mag-swimming sa pinaghalu-halo nilang dugo. Hindi ako makasigaw. Natulala ako. Tuwid lang ang tingin ng aking mga mata. Hindi ako makapaniwala.
Isang estudyanteng babae ang nakita kong nakaupo pa sa kanyang upuan. Kinalkal niya ang kanyang bulsa. Sa halip na kutsilyo ay ballpen ang kanyang dinampot. Binuksan niya ang kanyang notebook.
“Sir, now let’s discuss the signs of impending death.”
Author’s note: This was inspired by true events. Salamat kay Sir Ranjo sa inspirasyon! One of my best professors this sem!










