Ang uwak at ang kulisap
April 16th, 2009 by kananginisako ay naglalakad ng dahan dahan. nakatitig sa likod at hindi alintana ang ano mang bagay na madaraanan. sa mga sandaling nakikita ko ang lahat ng mga bagay na sumasalubong sa aking paglalakad, kahit hindi ako nakatingin sa harapan, ay iniiwasan ko…
hindi ang mga ito, kundi ang bawat espasyong kinalalagakan ng hanging pumapaso sa aking balat na nanunuyo sa kapighatian.
ako ay tumatakbo, marahas na pagtakbo. nakatitig muli sa likuran at hindi alintana ang liwanag na bumabalot sa isang bulaklak na sumasakop sa kalangitan.
tumakbo ng tumakbo, karipas. At tila nandidiri sa tinatapakan ang bawat yapak ng aking mga paa.
hindi ninyo lamang alaman, sa bawat yapak ng aking mga paa, ako ay natatapilok, nadarapa, sumusubsob. nagagasgasan, nagdurugo, nasusugatan.
hindi ninyo lamang nasusulyapan ang bawat sugat na bumabalot sa tigang kong balat na animo’y kalangitang walang alapaap na nililiparan.
hindi ninyo pansin. ako’y nakatingin sa likuran. paulit ulit na nadarapa dahil hindi maalis ang aking paningin sa liwanag na nagdulot ng aninong nalikha sa bawat sulyap, tingin, titig sa likuran. naglalakad habang hindi nakatingin sa dinaraanan.
kaya naman pala ako nadarapa, nasusugatan. wala ang aking diwa sa bawat yapak na aking nililikha, sa halip, iniintindi ang distansya mula sa pinanggalingan at tanging hinaharap ay ang kalinangan ng kahapon.
ngayon, naglalakad muli. tumatakbo. nadarapa. nasusugatan. patuloy. kahit ako ay wala na. mananatiling naglalakbay ang aking anino. maliligaw, mawawala sa paroroonan.
kung kayo man ay maglalakbay, huwag hayaang ang diwa’y wala sa inyong paroroonan. hindi masamang sumulyap sa likuran ngunit, sulyap lamang. dampi lamang upang hindi nito lamunin ang iyong daraanan.
maniwalang ang bawat hakbang ay katumbas ng dugong dumadaloy sa buhay mong puso. maniwala kang hindi lahat ng liwanag ay isang paraisong makapagdadala sa iyo sa gubat ng kalinisan, madalas ang liwanag ang kumakatha ng aninong habang buhay nang susunod at didikit sa iyo. nakabubulag at magliligaw sa iyo.
mas mabuti pang maglakbay sa gitna ng kadiliman habang sinusundan ang mumunting liwanag sa iyong harapan kaysa sa maglakbay sa gitna ng liwanag habang nangangapa ng mumunting kadiliman upang magtunghay sa iyo ng tamang daan.
hindi masamang maging uwak.
huwag lang maging isang kulisap.
maniwala ka, dapat kang maniwala. mag-isip ka, dapat kang mag-isip. hindi ang nakasulat dito ang iyong dapat mong isipin kundi ang nilalaman nito. walang masama sa pagbabasa, ngunit masama kung babasahin mo ito dahil may nakikita kang titik na pinagtambal para maging isang salita. nasa ilalim ng bawat simbolo ang lalim ng mensahe nito. nasa kaibuturan ng bawat simbulong nanggaling sa isipan ng tao.
hindi ko sinasambit na paniwalaan mo ang mga ito,,,
maniwala ka hindi sa mga salitang nandirito, maniwala ka sa kakayahan ng iyong isipan na makabasa ng mga nilalaman nito.
wakas.










