Ang Lalaking Nakakurbata
November 24th, 2008 by andoyman“Sakay na! Sakay na! Malapit nang umalis!”
Hindi gaano mabilis ang aking paglalakad gamit ang makintab kong itim na sapatos habang nakasabit sa aking kaliwang balikat ang isang itim na bag ng laptop. Nakasuot ako ng asul na polo na mahaba ang manggas at suot ang itim na kurbata na binili ko sa SM. Nasa kanang bulsa ko ang aking cellphone na may kamera; regalo ito ng aking kaibigan na tinuturing ko na ring kuya.
Kitang-kita ko ang mga taong umaakyat sa bus at ang konduktor na sumisigaw. Pumasok ako sa bus. Sa ika-pitong upuan sa kaliwa, sa may dalawahan, ako umupo. Katabi ko lang ang bintana kaya natatanaw ko ang mga taong naglalakad, nagkwekwentuhan, nagte-text, nagtitinda ng yosi’t kendi, dyaryo o bottled water, naghihintay ng bus o jeep at mga traffic enforcer.
“Isang pangkaraniwang araw”, ang naibulong ko sa aking sarili.
Habang pinupuno ng konduktor ang kanyang bus, patuloy naman ang aking mga mata sa pagtingin sa aking paligid.
Nakita ko ang isang ina na may hawak na sanggol, mga ilang buwan pa lang yata ang gulang, na nakaupo sa aking kaliwa sa katapat kong pang-tatluhan na upuan. Katabi nila ang isang lalake na may hawak na malaking bag at kinakalog ang boteng may tsupon na may lamang gatas. Hindi na aabot sa kalahati ng bote ang laman nitong gatas. Umiiyak ang sanggol. Marahil ay gutom na kaya gusto na nitong dumede.
Maya-maya, may tumabi sa kanilang isang lalake na puro puti na ang kaunti nitong buhok sa gilid ng kanyang ulo at puro pileges ang noo’t puro guhit ng katandaan ang mukha, pati ang braso’t kamay. Simple ang kaniyang pananamit. Isang polo na may stripes ng blue at slacks na kulay abo. Makintab rin ang kanyang malaking sapatos. Mga 5′8 siguro ang tangkad ng matanda.
Dalawang magkaibigang babae naman ang nasa aking harapan. Ang isa’y naka-uniporme habang ang isa ay nakasuot ng damit ng pang-nars. Maayos ang pagkakatali ng buhok ng babaeng nakapang-nars habang ang isa ay basa’t nakalugay ang buhok. Sa aking pakiwari, matagal silang hindi nagkita kaya nang pagkakataon na iyon, tuwang-tuwa sila. Napuno sila ng kwentuhan at halakhakan. Hindi nila pansin ang mga taong pumapasok sa bus at naghahanap ng mauupuan.
Magkasintahan naman ang nasa aking likuran. Sa totoo lang, hindi ako nagagandahan sa kanyang nobya. Marahil, hindi ko lang talaga tipo ang mga babaeng tulad niyon. Ang lalake naman, sa aking palagay mula sa kanyang matipunong braso’t balikat ngunit puno ng galos at naglalabasang ugat, ay isang construction worker o anumang trabaho na may mabibigat na gawain.
Isang lalakeng nakapormal ang suot ang tumabi sa akin. Medyo malabo na yata ang kanyang mga mata dahil siya ay may suot ng makapal na salamin. Isang body bag ang kanyang dala at inilapat niya iyon sa kanyang mga hita. Siguro ay isa siyang propesor sa isang sikat na unibersidad dahil sa kanyang tindig at sa nakasulat sa kanyang bag. Kinuha niya ang kanyang cellphone na walang kamera. 3210. Iyon ang model ng kanyang cellphone.
“Masyado namang makaluma si manong”, sabi ko sa aking sarili.
Sa laki ng kanyang sahod, iyon lang kanyang binili? Maaari na siyang bumili ng cellphone na tulad ng sa akin sa laki ng kanyang sahod sa pagtuturo. Pero pinili pa rin niya ang lumang modelo ng cellphone. Nagtext siya at pagkatapos ay isinauli niya ito sa kanyang bulsa.
Unti-unti nang napupuno tao ang bus hanggang ang makikita mo na lang ay mga taong nakatayo, babae man o lalaki, kahit matanda o hindi. May mga nagkukwentuhan at mayroon ding mga nagtetext. Napupuno na ng katamisan ang magkasintahang nasa bandang likuran ko habang tuloy pa rin sa pangangamustahan ang dalawang magkaibigang nasa aking harapan. Habang nakapikit ang mga mata ng matanda, hini-hele naman ng nanay ang kanyang sanggol. Nakaakbay naman ang asawa nito sa kanya at hinahaplus-haplos ang kanilang munting anghel. Kumuha naman ng rosaryo ang aking katabi at sinimulan ang pagrorosaryo.
Puno na ang bus kaya umalis na ito. Habang papalapit na ang konduktor sa aking kinauupuan, lumalakas at bumibilis ang tibok ng aking puso. Unti-unti na akong kinakain ng kaba. May malalamig na butil ng pawis ang lumalabas sa aking noo. Hindi na ako mapakali at naging maligalig ang aking mga mata habang patuloy pa rin sa pagrorosaryo ang aking katabi.
Mga tatlong upuan na lang ang layo ng konduktor sa aking lugar. Sa wakas, nag-vibrate ang aking cellphone. Dinukot ko ito sa aking bulsa at binasa ang mensahe. Iyon na ang hudyat ng taong aking naging kuya. Sila ang kumupkop sa akin pagkatapos akong itakwil ng aking pamilya noong kinse anyos ako. Sila ang nagpakain sa akin at nagturo ng mukha ng buhay. Sila ang nagmulat sa akin sa riyalidad ng mundo.
Hindi ko na nilingon ang mga taong nakapaligid sa akin. Para sa aming paniniwala at sa ikatatagumpay ng aming samahan, gagawin ko ito. Sigurado akong isang malaking balita ito sa mga pahayagan at sa telebisyon. Bahagya kong binuksan ang aking bag at pinindot ang isang button.

This work, unless otherwise expressly stated, is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Philippines License.
Most commented









November 24th, 2008 at 2:24 pm
hindi ko makuha ang nais ipabatid ng kwentong ito..ngunit maganda ang pagkakasalaysay..
?November 25th, 2008 at 12:36 am
Parang Kulang ang Kwento…
November 25th, 2008 at 3:36 pm
maraming salamat po sa mga komento…lubos ko pong ikinalulugod ang inyong mga puna…maraming salamat po ulit…
medyo experimental ko po ito tungkol sa terorismo…ehehe..hindi ata halata…
ehehe..
maraming salamat po ulit
?November 25th, 2008 at 11:31 pm
too many run-ons. nice details, and then again. you could do better. it was good.
November 25th, 2008 at 11:32 pm
ps. hahahahaha. bat parang anlalim niyo magtagalog?! pucha. hindi ko carry to! hahaha
December 1st, 2008 at 9:25 am
hahahaha terorismo.
?January 11th, 2009 at 5:56 pm
Nice
April 4th, 2009 at 8:56 pm
hindi ko mareach. paxenxa na po pro base na rin sa older comments
?April 25th, 2009 at 1:01 pm
kung di ako nagkakamali,ito ang nais ipabatid ng kwento…
yung char ay isang terorista.
at yung message na galing sa kanyang “kuya” ay hudyat na nang gagawin nilang pagpapasabog sa bus..
at yung button na un ay malamang un na ung bomb…
gets na ba?