Ang Binhi
January 31st, 2010 by andoyman“Guro, ang sabi po ng isa kong kaklase, mas importante raw ang pagtupad sa pangarap. Ang isa naman, ang paghahanap ng sarili mong kaligayahan. At iyong isa naman po, mas mahalaga raw ang pagtulong sa kapwa. Naguguluhan po ako. Alin po ba sa mga ‘yun ang talagang mahalaga?” tanong ng Estudyante sa Guro.
“Bago ko sagutin ‘yan, hayaan mong kwentuhan kita ng isang maikling kwento. Isang kwentong ipinasa-pasa sa bawat henerasyon.” Parehas silang umupo sa luntiang damuhan sa tabi ng isang matandang puno na tanyag sa kanilang lugar dahil sa masasarap nitong mga bunga at mga luntiang dahon, matitibay na mga sanga at malawak na lilim, sa mga kwento at alamat noong unang panahon, at mga lihim at karunungan ng mundo.
“Minsan may isang binhi na hindi alam kung ano ang nararapat niyang gawin. Hindi nagtagal, may lumapit na isang tao. Sa kanyang itsura at tindig, nakilala ng binhi na iyon ang Pantas. Tinanong niya ang Pantas kung ano ang nararapat niyang gawin. Kinuha ng Pantas ang binhi at sa di kalayuan, ito’y kanyang itinanim. Noong una, hindi maintindihan ng binhi ang ginawa ng Pantas. Dumaan ang mga araw, nagkaroon siya ng mga ugat, tumubo ang kanyang tangkay at nagkaroon siya ng mga dahon. Siya ay nabigla at natuwa na mayroon pala siyang ganoong kakayahan. Bagama’t pakiramdam niya, hindi iyon sapat upang punan ang nararamdaman niyang kakulangan. Ilang araw muna ang dumaan bago siya binalikan ng Pantas.
“Nagtanong siyang muli kung bakit siya itinanim. Sumagot ang Pantas, ‘Upang ikaw ay maging puno. Ikaw ay naging binhi upang maging isang puno. Iyan ang ipinagkaloob sa iyo.’
“‘Ngunit hindi ko ‘yon kaya. Imposible iyon mangyari. Masyado akong maliit para maging isang puno,’ pagtutol ng binhi na ngayo’y isa ng maliit na halaman.
“‘Hindi ka naging binhi kung hindi mo kayang maging puno. Magtiwala ka lang sa iyong puso at sa nagbigay niyan sa iyo,’ sagot ng Pantas saka siya nagpaalam na umalis. Bitbit ang tiwalang ibinigay ng Pantas, nagkaroon siya ng lakas ng loob upang maging isang puno balang-araw. Sa gitna ng matitinding bayo ng hangin, sa malalakas na bagsak ng ulan, sa malalamig na gabi, at sa tindi ng sikat ng araw, naroon pa rin siya’t nakatayo. Patuloy na lumalaki hanggang siya’y maging isang puno.
“Siya’y tuwang-tuwa at punung-puno ng kagalakan ang kanyang puso. Hindi makapaniwalang ang dating maliit na binhi, ngayon ay isa ng malaking puno. Namunga siya ng prutas na walang kahalintulad sa sarap at nutrisyon. Subalit sa kabila ng lahat ng ito, nakadarama pa rin siya ng kalungkutan.
“Makalipas ang ilang taong hindi nila pagkikita, dumating ang Pantas upang siya’y kumustahin.
“Ikinuwento niya ang kanyang mga pinagdaanan: mga bagyo’t tag-init na kanyang nalagpasan, mga pagsubok at paghihirap sa bawat araw na dumaan, at makailang ulit na pagsuko at pagtayo. Ibinahagi din niya ang kanyang kaligayahan nang siya’y maging isang puno. Ipinagmalaki niya ang kanyang mga naggagandahang dahon, at mga masasarap niyang bunga. Ipinakita rin niya kung gaano siya naging katatag sa lahat ng pagsubok at kung paano siya nagtiwala sa kanyang puso. At naibulalas din niya ang kalungkutang nagtatago sa kanyang anino.
“‘Ngayon, isa na akong puno,’ buong puso niyang pagmamalaki. ‘May matitibay na mga sanga, mga magagandang luntiang dahon, malawak na lilim, at masasarap na mga bunga. Ngunit sa kabila ng kaligayahang nadarama ko ngayon, aanhin ko ang lahat ng ito kung wala namang makikinabang? Aanhin ko ang tagumpay sa pagtupad ng pangarap kung ako lang mag-isa ang babahagi sa kaligayahan kong ito? Para saan pa ang kaligayahang aking nadarama kung wala akong mga kasama?’ pag-iyak ng puno. Ang kanyang daing ay narinig ng hangin na nagpalamig sa kanya; ng araw na nagpa-init sa kanya; ng lupa na kanyang naging suporta; at ng tubig na sa kanya’y dumidilig. Gusto man nila siyang tulungan ngunit hindi nila alam ang kanilang gagawin. Naramdaman din ng Pantas ang luha ng puno na bagama’t sa kanyang kalakihan at kagandahan, nagkukubli pa rin ang kulungkutan.
“Umalis ang Pantas. Samantala, malungkot namang naiwan ang puno sa pag-aakalang wala na itong maisasagot pa sa kalungkutang kaniyang dinadala.
“Ngunit siya pala’y nagkakamali. Ilang oras lang ang lumipas, bumalik din ang Pantas…ng may iba pang mga kasama. Mga bata’t matanda, lalake’t babae, mga ibon at hayop, bawat isa’y nakangiti at masayang tinatahak ang kaniyang lugar. Dahan-dahang gumuhit ang ngiti sa kanyang puso. Nakaramdam siya ng kakaibang init sa kanyang kalooban. Malugod niyang sinalubong ang lahat.
“Tiningala ng Pantas ang puno at nakangiting nagsalita, ‘Natutuwa akong hinanap mo ang iyong pangarap at sarili. Ikaw ay nagtiwala sa pangarap mong ito at sa iyong puso, at napagtagumpayan mo itong tuparin. Dahil dito, natagpuan mo ang sarili mong kaligayahan. At mas natutuwa ako na ang kaligayahan mong ito ay hindi mo sinarili. Ito ay malugod mong ibinahagi sa iba. Ang tawag sa nararamdaman mo ngayon diyan sa loob ng iyong puso…ay pagmamahal. Masaya akong mula sa iyong paghahanap ay nahanap mo ang iyong pangarap. At ang pangarap mong ito ay iyong natupad. Natanggap mo ang sarili mong kaligayahan at ibinahagi sa iba. Natuto kang magmahal. Masaya ako para sa iyo.’
“Taos-pusong nagpasalamat ang puno. Magmula noon, hindi na nawala ang ngiti sa kanyang puso at ang kanyang kwento ay naging kilala sa buong mundo.”










