6: Ikalawang Kabanata – Sayang na Taxi sa malamig na Siyudad
August 27th, 2010 by Jan SuingIkalawang Kabanata: Sayang na Taxi sa malamig na Siyudad
Alas-otso y media. Nagising ako sa amoy ng natuyo kong laway. Amoy… ewan. Nasa bus station na pala kami. Ang bilis naman. Nais ko pang matulog. Nais ko pang ituloy ang panaginip ko. Si Megan Fox. Si Orlando. Naramdaman kong parang may mabigat. Parang may pasan akong something. Nakahiga pala siya sa balikat ko, tulog na tulog. Nagulat ako dahil medyo basa ang kwelyo ng polo shirt ko. Putsa, laway. Mabantot. Nakakasuka. Tinggal ko ang plug sa tenga ko at sa tenga niya at itinulak ko ang ulo niya. Ang sarap niyang batukan.
“Hey, wake up!”
Hindi niya kaagad binuksan ang kanyang mga mata. Kinamot muna niya ang kanyang ulo bago niya dahan-dahang binuksan ang mga ito.
“O? Ano pa’ng ginagawa mo? Nagmumuni-muni? Kung may balak kang matulog dito sa bus, padaanin mo muna ko. ‘Di ako makadaan sa laki ng bag mo,” pagsusungit ko.
“Ay! Pasensya na.” Mabilis siyang tumayo mula sa kanyang kinauupuan. Kaagad din naman akong tumayo at umalis sa labas ng bus. Kami na lang pala ang natira sa loob.
Naghintay ako ng taxi sa labas ng bus station. May biglang tumapik ng malakas sa balikat ko
“Ikaw na naman? Anong kailangan mo?”
“Magta-taxi ka ba? Saan ka ba pupunta? Pwede ba ‘kong sumabay?”
“Sasabay ka? Hindi pwede!”
“Ang damot naman! Sige ka, baka maligaw ka. Alam ko na ang pasikot-sikot dito sa Baguio.”
Natahimik ako at napaisip. Oo nga. Huli kong punta sa Baguio, high school retreat namin. Baka maholdap pa ‘ko. E kaso naman hindi rin ako sigurado kung mapagkakatiwalaan ko ‘tong babaeng ‘to. Sa hitsura pa lang niya, hindi na katiwa-tiwala. Mukhang ganster ang porma.
“Magtiwala ka sa ‘kin, ‘di ako masamang tao.” Parang nabasa niya ang iniisip ko. “Ano? Payag ka na?”
Kaysa maholdap, mas pipiliin ko na lang na magpasama sa babaeng ‘to. ‘Pag nasa hotel na ‘ko, tsaka ko na lang siya dedespatshain. “Sige na.”
Napatalon siya sa sobrang kagalakan. In fairness, kung hindi lang dahil sa porma niya, may hitsura naman siya. Pero ‘di ko pa rin siya type. ‘Yung mga tipo niya, parang girlfriend ng leader ng gang. Mahirap na. Baka mabugbog pa ‘ko ng wala sa oras.
Pinara ko ang paparating na taxi. Huminto ito sa harapan naming dalawa. Akmang bubuksan ko ang pinto ng sasakyan nang bigla niya akong pigilan.
“Teka!” Malakas na sabi niya.
Puta. ‘Yan na naman ‘yung nakakabinging pagsigaw niya. “Bakit?! Pwede ba, ‘wag kang sumigaw! It’s not as if I’m on the other side of the world! We’re just centimeters away from each other for Chrissakes.”
“Kumain muna tayo! May alam akong murang kainan na malapit dito! Tara!” Sabi niya sabay hila sa ‘kin. Napakalakas niya at nakaladkad niya ko. Ni hindi pa nga ako tumatango. Sumunod na lang ako. Sirang sira na ang unang gabi ko sa malamig na Baguio.










